NASAWI ang isang drug den operator habang dalawa sa kaniyang kasamahan ang naaresto sa matinding palitan ng putok sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Brgy. Upper Siling sa bayan ng Buluan, Maguindanao del Sur.
Kinilala ang nasawing drug operator na si alyas “Dats,” na umano’y nagpapatakbo ng ilegal na operasyon sa Purok 3 ng nasabing barangay.
Naaresto naman ang dalawa niyang kasamahan na sina alyas “Memo” at alyas “King,” habang patuloy na tinutugis si alyas “Roland” na nakatakas sa operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 25 heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 15 gramo at halagang mahigit P100,000, isang 9mm submachine gun na may pitong bala, at isang motorsiklo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-BARMM.