DSWD, magdaragdag ng satellite offices sa NCR

DSWD, magdaragdag ng satellite offices sa NCR

MAS ilalapit pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino, patunay dito ang pagdaragdag ng mga satellite office sa iba pang lugar sa Metro Manila.

Ang hakbang na ito ng DSWD ay layong gawing kumbinyente sa mga Pilipino ang pagtanggap ng mga serbisyo ng gobyerno.

Ito ay para mas mailapit pa sa publiko ang serbisyo partikular na ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Ayon sa DSWD, pinaplantsa na ng ahensya ang pagdaragdag ng satellite offices sa Pasig at Rodriguez, Rizal para sa mga benipisyaryong taga-eastern Metro Manila.

“AICS clients should go to the DSWD satellite office nearest their areas of residence as this will be more convenient and economical for them,” saad ni Asec. Rommel Lopez, Spokesperson, DSWD.

Ipatutupad na ng ahensya ang pagbibigay ng serbisyo batay sa lungsod o lugar kung saan residente ang humihingi ng tulong.

Ang mga residente ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ay pagpilingkuran sa CAMANAVA Satellite Office (2nd Flr.,Victory Central Mall, Rizal Avenue, Monumento, Caloocan City)

Para naman sa mga taga-Pasay, Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa, maaaring lumapit sa Baclaran Satellite Office (2nd floor, Victory Food Market (Beside Baclaran Church) Parañaque City).

Ipinunto ng DSWD na layon nitong mas ilapit sa taumbayan ang mga serbisyo at programa nang hindi na sila bumiyahe nang malayo para makakuha ng tulong.

“This initiative is one way of decongesting our existing AICS payout areas, and to deliver services under AICS directly to our clients from different parts of Metro Manila and nearby provinces,” ani Assistant Secretary for Community Engagement Uly Aguilar, DSWD.

Sa tulong nito, higit na mapaunlakan ang mas maraming mga nangangailangang residente ng Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.

Ang pagdagdag ng mga satellite offices ay alinsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ahensiya na gawing mabilis at kumbinyente sa mga Pilipino ang pagbibigay serbisyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter