IPINALIWANAG ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na ang pundasyon ng mga interbensiyon para sa tamang nutrisyon ay nagsisimula sa loob mismo ng tahanan.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng ahensya ay ang Parent Effectiveness Sessions, kung saan tinuturuan at ginagabayan ang mga magulang at iba pang responsableng miyembro ng pamilya sa tamang pag-aalaga sa mga bata, kabilang na ang paghahain ng masustansiyang pagkain.
“Mayroon tayo sa DSWD iyong Parent Effectiveness Sessions na kung saan ginagabayan natin iyong mga magulang pangunahing pangangailangan and their nutritional requirements,” ayon kay Asec. Irene Dumlao, DSWD.
Bukod dito, ginagamit din ang Family Development Sessions ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang plataporma upang maibahagi ang tamang kaalaman sa kalusugan, nutrisyon, at wastong pag-aaruga sa mga benepisyaryong pamilya.
Ayon kay Dumlao, ang mga hakbanging ito ay upang matiyak ang maayos na pamumuhay ng mga Pilipino, partikular na ang mga kabilang sa mahihirap at marginalized na sektor ng lipunan.
“Sa pamamagitan po ng Family Development Sessions, nababahaginan din po natin ng tamang impormasyon iyong atin pong mga household heads para, again, magabayan iyong kanila pong mga anak at mapalaki po sila sa maayos na pamamaraan,” saad ni Asec. Irene Dumlao, DSWD.
Samantala, bilang tugon sa posibleng epekto ng masamang panahon, sinabi ni Dumlao na nakahanda na rin ang ahensya sa pamamagitan ng programang “Buong Bansa Handa”, na ipinatutupad sa ilalim ng Disaster Response Management Group ng DSWD.
Bilang bahagi ng paghahanda, nakipag-ugnayan na ang DSWD sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa pamamagitan ng relief prepositioning agreements, na layong tiyakin ang kapanatagan ng mga mamamayan, lalo na sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) na madalas tamaan ng kalamidad.
“Ang idea dito is omnipresent ang DSWD – anytime na may mga disasters o kakailanganin ng assistance from the department during emergencies, ay nandoon na po tayo, nasa ground na po tayo, madali na pong ma-access ng mga local government units for augmentation support,” ani Dumlao.
Tuluy-tuloy din ang produksyon ng mga food packs sa mga pangunahing hub gaya ng National Resource Operations Center (NROC) sa Luzon at Visayas Disaster Response Center sa Cebu.
Dagdag pa rito, nakikipagtulungan din ang DSWD sa Philippine Ports Authority (PPA) upang matiyak ang agarang tulong sa pagkain para sa mga na-stranded na pasahero sa mga pantalan tuwing may masamang panahon.
“We’re now working on our partnership with the Philippine Ports Authority… mayroon tayong assistance na maipo-provide agad po sa kanila,” dagdag nito.
Patuloy ang DSWD sa pagpapabuti ng implementasyon ng mga programang panlipunan upang mas maging episyente ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo publiko para sa mga Pilipinong nangangailangan.