UMABOT na sa mahigit P32M ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas na naapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagbaha dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mabilis ang naging pagtugon ng ahensiya para matulungan ang mga pamilyang nasalanta, alinsunod sa direktiba ng pangulo na bigyang katiyakan ang kapakanan ng mga apektado.
Simula Mayo 15, nagdulot ang ITCZ ng matinding pag-ulan sa Mindanao na siyang naging sanhi ng pagbaha at landslide. Noong Mayo 27, naranasan din ng Iloilo City ang walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar at mga barangay malapit sa ilog.
Batay sa ulat ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC), nasa mahigit isang daan at pitong libong (107,700) pamilya o mahigit tatlong daan at tatlumpu’t apat na libong (334,579) indibidwal mula sa 254 na barangay sa Region 6 at Mindanao ang naapektuhan ng naturang kalamidad.
Tiniyak ni Secretary Gatchalian na prayoridad ng DSWD ang mabilis na paghahatid ng tulong, kabilang na sa mga liblib na lugar at mga komunidad na nananatiling lubog sa baha. Nagsasagawa ang mga field office ng ahensiya sa Mindanao at Western Visayas ng sabayang pamamahagi ng family food packs katuwang ang mga lower government unit.
Dagdag pa niya, sapat ang stockpile ng ahensiya para masustentuhan ang patuloy na relief operations. Mayroong kabuuang mahigit limang daan at apatnapu’t limang libong (545,806) prepositioned FFPs at halos P240M na halaga ng non-food items tulad ng family kits, kitchen kits, at sleeping kits sa rehiyon ng Mindanao at Western Visayas.
Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para masigurong walang maiiwan sa pamamahagi ng tulong.