NAGULAT ang mga residente ng makipagkamay sa kanila ang Crown Prince ng Dubai na si Sheikh Hamdan Bin Mohammed Bin Rashid Al Maktoum habang patungo sa sikat na Dubai run.
Ang ikaapat na edisyon ng Dubai run ay isinagawa noong linggo Nobyembre 20 kung saan nakapag-attract ito ng isandaan at siyamnaput tatlong libong residente mula sa iba’t ibang parte ng UAE.
Ito na ang may pinakamataas na bilang ng nakilahok mula nang ilunsad ang Dubai fitness challenge taong 2017.
Ang sikat na Dubai run ay isang family friendly event at bukas sa lahat ng edad kabilang na ang mga kabataan.
Noong nakaraang taon higit isandaan at apatnaput anim na libong runners, joggers, walkers at wheelchair users ang nakilahok sa event.
Nagparehistro ang mga nakilahok sa 5 kilometer at 10 kilometer route.
Ang Dubai run ang isa sa pinakamalaking highlights ng 30-day fitness challenge na nagsimula noong Oktubre 29 at magtatapos sa Nobyembre 27.
Hinihikayat ng challenge na ito ang mga residente at mga bisita na magkaroon ng mas ligtas at maayos na lifestyle kasabay ng isang buwang free workouts, fitness events at activities.
Ang Dubai run ay ikinukunsiderang pinakamalaking fun run na tumutulong sa paghubog sa Dubai bilang isa sa pinaka-active na syudad sa mundo.