INILUNSAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang electronic local government unit (eLGU) at eReport System na mas pinahusay ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Naniniwala ang Pangulo na ang digitalisasyon ay tanda ng pag-unlad ng bansa.
Inaasahang mapaiigting pa ang digitalisasyon sa Pilipinas.
Ito’y matapos ilunsad ang eLGU at eReport System nitong Hulyo 17, 2023.
Sa kaniyang talumpati sa Malacañang, idiniin ni Pangulong Marcos, ang kahalagahan ng inisyatibo sa pag-unlad ng bansa.
Ang eLGU System ay dinisenyo upang gawing simple ang mga proseso ng mga transaksiyon tulad ng paglakad ng business permits, tax processing, at civil registration.
Ang eReport System naman ay isang plataporma para mapadali ang pagresponde ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga emergency.
Kaugnay rito, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga ahensiya ng pamahalaan na isama ang kanilang mga serbisyo sa eGov PH Super App.
“I thus urge all government agencies [and] LGUs to collaborate with the DICT as we integrate all services into the recently launched eGov PH Super App to attain its objective of becoming a multi-sectorial mobile application for all government institutions and transactions,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Muli ring nanawagan ang Punong Ehekutibo sa DICT, DILG, at sa mga LGU na tiyakin ang mahusay na pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 32.
Ang naturang EO ay nag-streamline ng mga requirement para sa pagtatayo, pag-install, pagkukumpuni, pagpapatakbo, at maintenance ng telecommunications at internet infrastructure sa bansa.
“I also call once again on the DICT, DILG, and our LGUs to ensure the efficient implementation of Executive Order (EO) No. 32 to ramp up the implementation of infrastructure projects in the telecommunications industry, so we can accelerate our country’s digital transformation,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Sa tala nitong Hunyo 2023, 210 mula sa 894 LGU Integrated Business Permits and Licensing Systems (IBPLs) users ang na-upgrade at inilipat ng DICT sa eLGU platform.
Sa pagtatapos ng 2024, 500 karagdagang third to sixth class LGUs ang ililipat sa sistema ng eLGU.
Ang eReport naman ay ikokonekta sa iReport application ng PNP na magdidirekta sa mga nagrereklamo sa pinakamalapit na istasyon ng PNP at on-duty officer na agad na aabisuhan sa pamamagitan ng PNP iReport sa kaniyang mobile phone.