Ekonomista, kinuwestiyon ang hakbang ng gobyerno sa pagbagal ng inflation

Ekonomista, kinuwestiyon ang hakbang ng gobyerno sa pagbagal ng inflation

POSITIBO ang pagtanggap ng ekonomistang si Dr. Michael Batu sa naitalang pagbagal ng inflation sa buwan ng Pebrero na 2.1 percent.

Subalit palaisipan pa rin sa kanya kung naging epektibo nga ba ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para mapabagal ito.

“Ang pagbaba ng rate of inflation is dahil sa effective na ginagawa ng gobyerno. Pero kung titignan natin sa datos, tandaan natin na ang ating rice industry ay liberalized na. Pwede lang pumasok yung mga imported na bigas. At yung taripa, binaba na, wala nang taripa, diba? Dati yan, nasa 35%, ngayon wala nang taripa para maging mas abot kaya. Pero hindi ito nakikita natin,” ayon kay Dr. Michael Batu.

Ani Batu, kung titignan ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan, ang ibinaba sa presyo ng bigas noong Pebrero 2024 kumpara ngayong Pebrero 2025 sa pamilihan ay nasa dalawampu’t limang (25%) porsyento lang.

“At kung titignan nyo kasi ang ambag ng bigas sa pangkalahatang inflation, napakalaki po. Kaya konting paggalaw sa presyo ng bigas, anlaki ka agad ng nagiging epekto nito sa rate of inflation kaya nakita natin na bumagal po siya,” saad ni Batu.

Bukod sa bigas, isa rin sa nakikitang dahilan niya kung bakit bumagal ang inflation ay dahil sa mababang presyo ng ilang klase ng gulay.

Iginiit rin nito ang kahalagahan ng rate of inflation na siyang naging pamantayan ng Bangko Sentral kung itataas o ibaba nila ang interest rate.

“Mahalaga na bumaba ang interest rate mga kababayan kasi ang pagbaba ng interest rate ibig sabihin mas mura na kung mangutang at kung kayo bibili ng mga bagay-bagay na kailangan yung mangutang, magiging medyo mas affordable ito,” ani Batu.

Sinabi rin ni Batu na malaking halaga para sa mga mahihirap ang pagbaba ng inflation dahil humigit kumulang limampung porsyento ng kanilang gastusin ay napupunta sa pagkain.

Sa huli, nanawagan ito sa mga negosyanteng gustong mangutang sa panahong ito na mababa ang interest rate, na huwag sayangin ang pagkakataon para maisakatuparan ang pagpapalago ng kanilang negosyo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter