INAASAHANG darating sa bansa sa unang bahagi ng 2023 si United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial Summary or Arbitrary Executions Dr. Morris Tidball- Binz, dahil ito sa imbitasyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inimbitahan ang special rapporteur para sa pagsasanay at dagdag kaalaman sa forensic pathologists sa bansa at base na rin anya ito sa napagkasunduan sa UN Joint Programme for Human Rights.
Ipinaliwanag ni Remulla na sa ngayon ay dalawa lang ang lehitimo at internationally-accepted na forensic pathologists sa Pilipinas dahil ang iba ay pawang mga medico-legal experts.
Partikular aniya sa layunin ng imbitasyon ay para sa capacity-building para sa mga kalamidad at inihalimbawa ni Remulla ang nangyari noong Bagyong Yolanda na kinailangang iproseso ang libu-libong mga bangkay ng mga biktima.
Ipinaalala pa ni Remulla na nagpuntahan pa nga sa Pilipinas noon ang ilang mga international forensic pathologist para tumulong kay Dr. Tidball-Binz sa pagsuri sa mga bangkay.