El Niño, maaaring tumagal hanggang 2024, posibleng magsimula ngayong Hulyo—PAGASA

El Niño, maaaring tumagal hanggang 2024, posibleng magsimula ngayong Hulyo—PAGASA

MAAARING tumagal ang El Niño hanggang 2024 at posibleng magsimula ito sa buwan ng Hulyo.

Nagbabala ang ilang ahensiya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng mainit na panahon.

Sa kasalukuyan ay nasa panahon na ng tag-init ang bansa na maaaring sabayan ng El Niño Phenomenon sa buwan ng Hulyo ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa website ng PAGASA, ang Pilipinas ay may dalawang major seasons.

Ito ay ang panahon ng tag-ulan o rainy season at dry season.

Ang panahon ng tag-ulan ay malimit nangyayari mula Hunyo hanggang Nobyembre kada taon.

Ang dry season naman ay nahahati sa dalawa; ang cool dry season na malimit nangyayari mula Disyembre hanggang Pebrero at hot dry season na nagaganap tuwing Marso hanggang Mayo.

Kamakailan lang ay idineklara na ng PAGASA na nasa panahon ng tag-init ang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ramdam na ng publiko ang maalinsangan at mainit na panahon.

Noong March 22, 2023, nakapagtala ang PAGASA ng mataas na heat index sa Cotabato City sa Maguindanao na umabot sa 42 degree Celsius.

Posible naman na magtagal ang mainit na panahon sa bansa dahil sa nagbabadyang El Niño na maaaring maganap sa bansa sa ikatlong bahagi ng 2023 hanggang sa susunod na taon.

Ang El Niño ay ang abnormal o hindi pangkaraniwang pag-init ng panahon dala ng lubhang pag-init ng Karagatang Pasipiko lalo na sa may bahagi ng Ekwador.

Mas mahaba ang mainit na panahon na mararanasan ng bansa sakaling may El Niño kumpara sa usual na mga ganap.

Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng epekto ng mainit na panahon lalo na sa suplay ng tubig.

Nag-abiso si Vicente Malano, administrator ng PAGASA sa publiko na habang maaga ay magtipid na ng tubig para kahit papaano ay maibsan at hindi lumala ang sitwasyon.

Samantala, ang magkaibigan na sina Rose Marie at Myra na pawang nagtitinda ng halaman sa Quezon City ay nagpahayag ng pagkabahala ngayong panahon ng tag-init.

Dahil sa tuwing tag-init kasi tumataas ang bill ng tubig dahil maya’t maya sila nagdidilig ng halaman dahil mabilis lang natutuyo ang kanilang mga panindang halaman.

Ang Department of Health ay nagpaalala naman na kung wala namang importanteng gagawin sa labas ay manatili na lang sa mga tahanan.

Ayon sa DOH, ang mainit na panahon ay maaaring maranasan mula 10 am – 3 pm.

Nagpaalala rin ang DOH sa mga sakit na maaring makuha tuwing tag-init.

Sa ngayon ay nakatutok ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa maaaring resulta ng tag-init dahil sa tansya ng PAGASA hanggang sa susunod na taon pa mararanasan ang tagtuyot.

Follow SMNI NEWS in Twitter