IBA’T ibang panukalang batas na ang inihahanda ng KOJC leader at senatorial aspirant na si Pastor Apollo C. Quiboloy para sa Pambansang Pulisya sakaling makaupo sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Kahit naroon siya ngayon sa piitan, ang mga problema at isyung kinahaharap ng mga pulis pa rin ang isa sa mga nais tugunan ni Pastor Apollo, ayon kay Atty. Kaye Laurente, tagapagsalita ng butihing pastor.
Aniya, tatlong panukalang batas na ang nasimulang buuin ni Pastor Apollo.
Isa rito ang Police Modernization and Resource Act na layong taasan ang pondo ng Philippine National Police (PNP) upang magkaroon ng mas makabagong kagamitan at teknolohiya habang pinaiigting din ang kanilang mga pagsasanay.
Sa ilalim din ng panukalang ito, nais isulong ni Pastor Apollo na magkaroon ng competitive salary structure ang mga pulis upang maiwasan ang katiwalian sa kanilang hanay; lakip na rin dito ang tinatawag na Enhancement Benefits Package.
“Ano ‘yung Enhancement Benefits Package para po sa health insurance coverage ng lahat po ng ating kapulisan, kasama na po ang dependents nila. At ‘yung housing loan program para sa kanila with preferential rates for PNP personnel and isa pa po, may scholarship grants din po para sa kapulisan. ‘Yung mga nakausap nga po nating pulis, gusto nilang mag-aral pa, gusto nilang mag-lawyer, gusto nilang magkaroon ng continuing education, however, wala nga raw silang enough na budget, kasi may pamilya sila na dapat pang tustusan,” saad ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson, Senatorial Aspirant, Pastor Apollo C. Quiboloy.
Dagdag pa dito, isa rin sa mga nais ipanukala ni Pastor Apollo ang Local Government Police Authority and Regionalization Act at ang PNP Internal Affairs Enhancement Act.
Ayon kay Laurente, layon ng Local Government Police Authority and Regionalization Act na maiwasan ang pagkakaroon ng political manipulation sa mga pulis tulad aniya ng nangyari sa KOJC siege kamakailan sa Davao City. Ito’y dahil ang kapangyarihan at awtoridad sa mga pulis ay ibibigay na nang buo sa mga rehiyon o lokal na pamahalaan.
“Kung regionalize siya, hindi siya nationalize na isang tao lang ang nagko-control sa lahat, maiiwasan natin ‘yung nangyayari sa KOJC siege,” dagdag ni Atty. Laurente.
Maliban dito, mas mapapalapit aniya ang mga pulis sa kanilang mga pamilya at mas magiging epektibo rin ang kanilang trabaho dahil pamilyar na sila sa lugar at diyalekto.
“Isa sa nakitang problema po, sabi nga ng isang pulis. Nalalayo sila sa kanilang pamilya. Galing sila ng Davao, pero nandito sila ngayon sa Manila. Although promoted po. Malaki nga ‘yung sahod pero nandoon pa rin ‘yung pangungulila kaya nga delikado po kasi baka matukso, kasi nga malayo sa kanilang asawa, kaya mas mabuti po na talaga na regionalize lang to protect their families,” saad ni Laurente.
Samantala, isa rin sa layunin ng butihing Pastor, ay muling maibalik ang magandang reputasyon ng mga pulis na nasisira dahil na rin sa paglabag ng mga ito sa karapatang pantao ng mga Pilipino.
“Aside doon sa rule of law na ituturo, nandiyan din po ‘yung ethics and community relations. Like i-instill po sa kanila, ‘yun yung duty nila, ‘yun ang mandate nila na they will not use their weapon, their uniform to terrorize or to harass any individuals instead gagamitin nila ‘yan to protect the innocent individuals and that they will be fighting against the criminals only,” ayon pa kay Atty. Laurente.
Matatandaan na higit limang libong pulis ang pinasugod sa KOJC religious compound para sa pagsisilbi umano ng arrest warrant sa ilang indibidwal ngunit libu-libong inosenteng misyonaryo ang nagdusa sa 16 araw na pagkubkob ng mga ito sa kanilang religious compoud; lahat dahil umano sa utos.
Samantala, mayroon naman aniyang mensahe si Pastor Apollo sa mga nasa gobyerno o mga nagnanais umupo sa pamahalaan.
“Ito po ang paalala ni Pastor sa diskusyon kanina, nabanggit niya po, kapag ikaw po ay isang government employee, kahit ano pa ‘yung posisyon niyo, always think about, ‘yung sense of service. ‘Yun po ang importanteng trait ng isang public officer, government employee, ‘yung sense of service. Hindi ‘yung kung ano ‘yung para sa akin, ano para saking pansariling interes? Kapag nakaupo sa pamahalaan, ang iisipin mo, anong nakabubuti para sa lahat ng mga Pilipino?” aniya.