INILAHAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gagawa siya ng bagong executive order (EO) para sa episyenteng pagpapatupad ng Mandanas Ruling.
Nabanggit ito ni Pangulong Marcos sa dinaluhang ika-4 na General Assembly ng League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Pampanga nitong Biyernes, Mayo 19.
Ani Pangulong Marcos, pipirma siya ng EO sa katapusan ng taon na may layong mapalakas ang koordinasyon at ugnayan sa pagitan ng local at ng national government upang mas maging episyente at ma-maximize ang mga plano at programa ng pamahalaan.
Ang bagong EO ay tutukuyin kung aling mga serbisyo at tungkulin ang nabibilang sa pambansang pamahalaan at sa mga lokal na pamahalaan.
“We gave ourselves until the end of the year 2023—until the end of this year. And I will sign another executive order putting into place all—and defining very clearly which of the services, which of the functions belong to the local government and which belong to the national government,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maayos na relasyon sa pagitan ng national government at ng local government units (LGUs).
Sa usapin ng Mandanas Ruling, ipinunto ni Pangulong Marcos na mayroong kritikal na papel ang mga lokal na pamahalaan, na hindi gaanong nabigyan ng atensiyon bunsod ng nakasanayang sistema ng pagpapatupad ng national government.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos na ipinagpaliban niya ang pagpapatupad ng Mandanas Ruling ng isang taon para repasuhin ang Executive Order No. 138.
Ito’y matapos magpahayag ng pagkabahala ang mahigit 400 LGUs na hindi sila handa na gampanan ang kanilang mga devolved function.
Ang EO No. 138 ay naglalayong magkaroon ng decentralization ng kapangyarihan sa pamamagitan ng devolution o paglilipat ng ilang mga tungkulin ng national government sa LGUs.
Tiniyak naman ng pangulo na tatapusin ng administrasyon ang masusing pagsisiyasat at paghihimay sa mga kailangang ipatupad sa ilalim ng Mandanas Ruling.
Sinigurado rin ng punong ehekutibo sa mga lokal na opisyal na patuloy silang magkakaroon ng palitan ng mga ideya at tingnan ang mga practical consideration.
“We are watching, we are asking, we are consulting with you. And in that way, we will come out with a good Executive Order at the end of the year for a good implementation of the very important Supreme Court decision now we call the Mandanas-Garcia Ruling,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Sinabi pa ng pangulo na habang itinataguyod ng gobyerno ang devolution transition, ay inaasahan ng mga lokal na ehekutibo na ang kani-kanilang mga lugar ay magkakaroon ng karagdagang budget at training.
“It does not mean na walang made-devolve. Mayroong mga made-devolve na function. Pero ang kaibahan dito, ‘yung pag-devolve ng function may kasabay na item, may kasabay na funding, may kasabay na training. So, we are trying to get around that,” ani Pangulong Marcos.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangulong Marcos na magiging maayos ang pagganap ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan dahil alam nila ang totoong sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin ng pangulo, na naging dating bise gobernador, gobernador at 2nd district representative ng Ilocos Norte, na ang ‘best talents’ ay nagmumula sa local government.