INAALALA ngayon sa Estados Unidos ang mass shooting sa 20 mga grade-schoolers at ilang mga guro sa Sandy Hook Elementary School, 10 taon na ang nakararaan.
Ang nakagigimbal dito, patuloy pa rin ang insidente ng mga mass shooting sa Amerika.
Noong Disyembre taong 2012, 20 mga bata na mga 1st graders at 6 na empleyado ng paaralan ang brutal na pinagpapatay ng isang mass shooter sa Sandy Hook Elementary School sa Connecticut.
Ang insidenteng hindi mawari noon, ay karaniwan na lang ngayon sa Amerika.
10 taon na ang nakalilipas, isang binatilyo ang pumasok sa Sandy Hook Elementary School sa Newtown, Connecticut, dala ang AR-15 na baril at walang awang pinatay ang 20 mga 1st graders pati na rin ang anim na kawani ng paaralan.
Pagkaraan ng isang dekada, ang karahasan ng baril ay naging pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga kabataan sa Estados Unidos.
Mas mataas ang bilang ng karahasan sa baril sa mga bata sa Amerika kung ikukumpara sa iba pang progresibong mga bansa.
Sa isang remembrance benefit event, ginugunita ni dating Pangulong Barrack Obama ang nakamamatay na insidente sa Sandy Hook na para sa kanya ay ‘single darkest day’ of his presidency.
Gayunpaman, maliit na aksyon na pederal o estado ang naisabatas, at sa maraming hurisdiksyon, ang mga nasa 18 taong gulang ay maaaring legal na bumili ng AR-15 na baril.
Edad na mas bata pa kaysa edad na maari silang makabili ng alcohol na bente-uno.
Kaya naman, ang mga kabataan ay patuloy na nasa panganib, kahit pa sa kanilang paaralan.
Ayon sa data mula sa K–12 School Shooting Database at gun control advocacy group na Everytown, hindi bababa sa 117 bata at guro sa kindergarten hanggang ika-12 baitang ang napatay habang papunta sa paaralan, papasok sa klase, o naglalakad pauwi simula nang maganap ang Sandy Hook School shooting.
Hindi kasama sa bilang na ito ang halos 100 pa na nasugatan o nadaplisan ng bala sa mga aktibidad sa labas ng paaralan.
Pagkatapos ng 10 taon, at daan-daan pang mga estudyante na napatay ng baril, isa pa ring malaking katanungan ang maliit na pagbabago na nagawa ng mga insidenteng ito.
Aang “Never Again” ay naging mantra sa isang dekada pagkatapos ng Sandy Hook shooting, ngunit ang never again na iyon ay sinundan pa rin ng 54 na mass shooting sa mga paaralan hanggang ngayon sa Estados Unidos.