TUMANGGING bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga residenteng lumikas sa bayan ng Sto. Domingo at Guinobatan sa probinsiya ng Albay kahit na nasa labas naman sila ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) ng Bulkang Mayon.
Sinabi ng mga evacuees ng bayan ng Sto. Domingo na mas gusto nilang manirahan muna sa evacuation center kahit na nasa labas sila ng PDZ dahil sa naniniwala silang mas ligtas sila.
Nauna nang nagbaba ng abiso si Sto. Domingo Mayor Joseling Aguas, Jr. na maaari nang bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga residente matapos silang himukin ni Albay Gov. Edcel Greco Albay na paalisin sa mga evacuation center ang evacuees na naninirahan naman sa 7-8km extended danger zone.
Tanging mga residenteng naninirahan lamang sa loob ng 6-K PDZ ang inabisuhang huwag pumasok sa lugar dahil sa maaaring mangyari ang ashfall, lava flow, at pyroclastic density kahit na anong oras.