HINDI solusyon sa problema ang revamp sa gabinete ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., lalo na kung hindi pa tiyak ng Pangulo mismo kung ano nga ba ang tunay na problema sa gobyerno.
Dahil dito nagpapahiwatig umano ito sa kakulungan ng matibay na pamumuno ni Marcos Jr., ayon sa dating Director General ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
“In problem solving, identifying the problem is half solving the problem. Kailangan i-identify niya sino at ano ba ang problema,” ayon kay Alex Paul Monteagudo, Former Director General, National Intelligence Coordination Agency.
‘Yan ang pananaw ng dating Director General ng National Intelligence Coordinating Agency na si Alex Paul Monteagudo kaugnay ng panawagang courtesy resignation sa lahat ng miyembro ng gabinete ni Marcos Jr. matapos ang ‘di kaaya-ayang resulta ng eleksiyon para sa mga kandidato ng administrasyon.
Aniya, hindi umano ito nakabubuti sa katatagan ng bansa dahil dapat na tukuyin ng pangulo kung ano ang pinaka-ugat ng problema.
Aniya, kung totoo nga na may mga miyembro ng gabinete na hindi nagtatrabaho ng maayos o sangkot sa katiwalian, dapat ay tukuyin ito ng pangulo at tanggalin—imbes na sabay-sabay na hilingin ang pagbibitiw ng mga kalihim.
“Ngayon, nung nag-announce siya ng revamp o courtesy resignation, he is as if saying that the cabinet is the problem.”
“O baka nasa Kongreso ang main problema.”
“At saka, bakit mo pag-resignin ang lahat ng cabinet kung i-identify mo sa gabinete mo kung sino ‘yung tamad, at kung sino ‘yung korap, e ‘di ‘yun ang tanggalin mo,” dagdag nito.
Giit pa ni Monteagudo, ang pagpapatawag ng mass resignation ay nagpapakita ng kakulangan sa direktang pamumuno ni Marcos Jr.
Ex-NICA Chief: Courtesy resignation sa mga gabinete, kakulangan ng matibay na pamumuno ni Marcos Jr.
Inihalintulad rin niya ang istilo ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may agarang desisyon laban sa mga tiwaling opisyal.
Kabaligtaran nga aniya ito sa gobyernong Marcos Jr. na tila hindi pa rin malinaw kung ang gabinete nga ba talaga ang ugat ng problema.
Binigyang-diin ni Monteagudo na ang kalidad ng impormasyon na natatanggap ng Pangulo ang nagdidikta ng kalidad ng kaniyang mga desisyon.
Kung ang impormasyong ito ay mali, maaaring mali rin aniya ang mabubuong desisyon ng Pangulo.
Iginiit ni Monteagudo na hindi sapat ang malawakang revamp kung hindi naman malinaw kung sino ang may kasalanan o nagkukulang sa pagganap sa kaniyang tungkulin para mapanagot ang mga ito.
Dagdag pa niya, isang lider na may matibay na direksiyon, malinaw na prinsipyo, at tapang na manindigan para sa tama ang tunay na magpapatatag sa bansa.