INIHAYAG ng Department of Agriculture (DA) na bumababa na ang farm gate price ng sibuyas sa mga probinsya na mayroong malalaking taniman ng sibuyas.
Pero, hindi ito ramdam ng mga nagtitinda ng sibuyas sa mga malalaking palengke sa National Capital Region (NCR).
Nararamdaman na ang pagbaba ng farm gate price ng sibuyas sa mga lugar na pinanggalingan nito tulad ng Nueva Ecija, Pangasinan at Tarlac.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, naglalaro sa P160 hanggang P220 ang kada kilo nito.
Dagdag ni Asec. Kristine, bumababa na ang farm gate price ng sibuyas dahil na rin sa gumagandang ani ng mga lokal na magsasaka.
Pero, kabaliktaran ang presyo na ibinibigay ng mga ahente sa mga retailer na nagbebenta ng sibuyas sa mga malalaking palengke sa Metro Manila.
Kaya ang bentahan din ng sibuyas ni Aling Marlene ay higit P300 kada kilo.
Bagamat, malayo ito sa naunang presyo ng sibuyas noong holiday season na umabot sa P700, hindi pa rin aniya ito makatwiran.
Iginiit nila, paiba-iba ang presyo na ibinibigay sa kanila tuwing kumukuha ng sibuyas sa mga trader dahilan kung kayat nililimitahan nila ang kanilang binibiling sibuyas.
Kawalan ng diskarte ng DA, dahilan ng pagtaas ng presyo ng sibuyas – William Dar
Naglabas naman ng pananaw ang dating kalihim ng DA na si William Dar.
Sinabi ni DAR, kawalan ng diskarte ng DA ngayon ang dahilan kung kayat sunod-sunod ang paglobo ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.
“Dapat, ito ‘yung sinasabi ko na anticipatory planning. Dapat may desisyon ang Department of Agriculture na mag-angkat noong Agosto pa, now hindi sila nag-decide kaya anong nangyari, cascading problems na iyan. Of course ‘yung dati rati na binili ng mga trader na marami sibuyas nitong last year ay ini-hoard nila kaya marami nang hoarding, meron ding smuggling. So, ‘yun maraming compounding problem sa nangyari kaya tumaas na ang presyo ng sibuyas,” turan ni William Dar, former Secretary, DA.
P150 kada kilo ng puting sibuyas, mabibili na sa ADC Kadiwa Store
Samantala, ikinatuwa ng mga mamimili ang 150 piso kada kilo na sibuyas sa ADC Kadiwa Store sa tanggapan ng DA.
Pero, paglilinaw ng DA, hindi na ito subsidized ng gobyerno at inisyatibo na lamang ng naturang kooperatiba na ibaba ang presyo mula sa umiiral na P170 kada kilo nitong Lunes.
Ani Evangelista, hindi nila masasabi kung hanggang kailan ibebenta ng Bonena Multipurpose Cooperative ang puting sibuyas ng P150 kada kilo.
Sa kasalukuyan, walang suplay ng pulang sibuyas ngayon sa Kadiwa Store dahil naubos ito noong mga nagdaang mga araw.
SRA, inirerekomenda kay PBBM na ibenta sa Kadiwa Store ang nasabat na asukal
Samantala, sa usapin ng asukal ay irerekomenda ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kay Pangulong Marcos na ibenta na lamang sa Kadiwa Store ang mga nasabat na asukal sa Port of Batangas kamakailan.
Nais ni SRA Administrator David Alba na ibenta na lang sa Kadiwa Rolling Store ang 80,000 bags ng asukal.
Makatutulong aniya ito na maibaba ang bentahan ng asukal ng sa ganon ay ma-enjoy ng mga mamimili.
“I will make representation to the President to have these sugar sold through Kadiwa so the public can enjoy refined sugar at a lower cost,” ani SRA Administrator David Alba.
Kamakailan aniya ay nasabat ng Bureau of Customs ang 4,000 metric tons ng refined sugar na nagkakahalaga ng P240 milyon na pagmamay-ari ng MV Sunward mula Thailand.