FDA Dir. Domingo, dinepensahan ang sarili sa panawagan na magbitiw

DINEPENSAHAN ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo ang kanyang sarili matapos ang panawagan ng pagbibitiw nito sa puwesto dahil sa iregularidad at kuwestiyunableng desisyon daw ng FDA.

Iginiit ni Domingo na sumusunod lamang siya sa proseso ng FDA pagdating sa anumang inilalabas na desisyon.

Sambit pa ni Domingo, may iilan mang hindi natutuwa sa mga naging pasya ng FDA, ngunit nananatili pa rin silang nakabase sa scientific evidence.

Dagdag pa ng opisyal, hindi rin kasi aniya maaaring madaliin ang mga bagay-bagay kung hindi kumpleto ang pinagdaanan na proseso pati ang mga dokumentong isinusumite sa FDA.

Tiniyak naman ni Domingo na ginagawa niya ang kanyang trabaho base lamang sa wastong proseso.

Samantala, naglabas ng pahayag ang isang political analyst kaugnay sa panawagang mag-resign si Duque at FDA Chief Domingo.

Ayon kay University of the Philippines-political science analyst na si Professor Clarita Carlos, political appointees sina DOH Sec. Francisco Duque III at FDA Chief Eric Domingo.

Ibig sabihin, hindi sila maaaring tanggalin hangga’t hindi sila tinanggal ng naghalal sa kanila sa pwesto.

Ani Carlos, bukod pa sa pagiging appointees, ibinahagi niya na dapat intindihin na lang ng publiko na marami ring kinakaharap na hamon ang mga ito.

Kung marami aniyang nakikitang pagkakamali sa kanilang ginagawa, dapat suriin at alamin ang totoong nangyayari at hindi basta-basta na lang manghusga.

Ang dapat gawin ani carlos, kung sa tingin ay may mali talagang nagawa ang isang opisyal ng gobyerno, ipaubaya nalang ito lahat sa batas.

“May mga batas naman na ‘pag sinabi mo’ng tiwali sila, corrupt sila etc., habulin mo. ‘Yan ang ginagawa sa ibang bansa. Pag meron namang huhusga, nagsasabi na corrupt yung isang tao, ang dali namang magsabi n’yan eh. Magbigay po kayo ng ebidensya kasi ho yung korte, hihingi po ng ebidensya ‘yan. Hindi po ‘yan hihingi lang ng chismis,”dagdag ni Carlos.

(BASAHIN: Traditional medicine na Lianhua Qingwen, rehistrado sa FDA)

SMNI NEWS