4 na katawan ng pamilya sa Bacolod, natagpuang patay


NATAGPUAN ang apat na katawan ng miyembro ng isang pamilya noong Abril a-syete ng umaga sa kanilang bahay sa Gardenville Subdivision ng barangay Tangub, Bacolod City.

Ang mga bangkay ay nabubulok na ayon sa pagsusuri ng pulisya.

Ang apat na katawan ay kinilala ng pulisya na sina Jocelyn Espinosa-Nombre, 59, ang kanyang 69-anyos na kapatid na si Gemma, Michael Espinosa, 35; at isang anim na taong gulang na babae.

Si Jona delos Santos ay humingi ng tulong sa pulisya matapos na siya ay inatasan ng kanyang bayaw na si Jonel, isang seaman, upang suriin ang kalagayan ng kanyang asawang si Jocelyn, na hindi sinagot ang kanyang mga tawag.

Sinabi ni LtCol. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office 6 na siyang sumuri sa lugar ng bahay at napansing bukas ang pintuan ng kusina.

Ngunit wala namang nakitang senyales na may sapilitang pumasok.

Pagpasok sa bahay, natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng isang menor de edad na nakahiga sa isang sofa. Dalawa sa mga biktima ang natagpuan sa harap ng bahay, parehong balot ng kumot. Ang isa pang biktima, na nakabalot din ng kumot, ay natuklasan sa isang nipa hut sa loob ng compound ng mga biktima.

Sinabi ni Police Maj. Joey Puerto, komandante ng pulisya ng Station 8 ng Bacolod City, ayon sa kanilang paunang pagsisiyasat na ang mga biktima ay may sugat sa ulo, na pinaghihinalaan niyang maaaring hinampas ng isang matigas na bagay. Hinala rin ng pulisya na ang mga biktima ay tatlong araw nang patay.

Kaugnay nito, inaresto si Christian Tulot, pamangkin ng pamilyang Espinosa at naaresto sa magkasanib na operasyon ng BCPO at Don Salvador Benedicto Police Station.

Si Tulot ay naaresto sa Barangay Bunga sa bundok bayan noong Miyerkules ng hapon. Inamin ng suspek ang ginawang pagpatay sa pamilya gamit ang hammer.

Inamin din ng suspek na may isa pa siyang kasama at hindi pa nakikilala.

Ayon kay BGen. Rolando Miranda na agad nilang lulutasin ang kaso.

SMNI NEWS