TILA nauwi sa pagpapahirap sa kanilang mga estudyante ang nangyaring field trip ng mga mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines (BCP), Quezon City.
Kasunod ito ng reklamo ng maraming estudyante at magulang nito sa naranasang paghihirap mula sa paghihintay ng pick-up bus patungo sa resort sa Bataan na umabot ng apat na oras.
Nang makarating anila sa Bataan, pinaglakad ang mga estudyante ng 3-4 na kilometro patungong venue para ipagdiwang ang ika-23 anibersaryo ng eskwelahan noong Sabado.
Ayon sa impormasyon, walang magawa ang mga estudyante kasama na ang magulang sa inorganisang field trip bilang requirements ng paaralan.
Bukod sa P900 na bayad sa bus at entrance ng resort, hindi rin anila kasama ang pagkain at inumin sa nasabing selebrasyon.
Nauwi sa kaniya-kaniyang bili ng makakain ang mga estudyante.
Mayroon ding hindi kinaya ang pagod, uhaw, at gutom mula sa paglalakad sa ilalim ng tirik na araw kung kayat ang iba ay bumigay ang katawan at nakihiga na lamang sa daan imbes sa resort na kanilang uupahan.
Ang Bestlink College of the Philippines ay una nang nag-viral noong 2017 nang mag orginaso ito ng field trip sa kanilang mga estudyante na nauwi sa trahedya at ikinasawi ng 15 mag-aaral nito sa Rizal.
Ayon sa pahayag ng Commission on Higher Education (CHED), pinag-aaralan na nito ang pagpapalabas ng show cause order laban sa BCP dahil sa kabiguan nitong magsumite ng dokumento patungkol sa off-campus activity nito.
Bigo rin nasunod ng paaralan ang oras ng pag-uwi ng mga estudyanye na ikinabahala rin ng mga magulang nito.
Ayon sa pinirmahang consent, alas 9 ng gabi ng Enero 26, dapat makauwi ang mga bata ngunit madaling araw na ng Enero 27, Lunes nakarating ang mga bata sa kanilang mga magulang.
Wala pang pahayag ang eskwelahan ukol rito.