FIVB Volleyball Championship 2025, maaaring makahakot ng milyun-milyong fans sa Pilipinas

FIVB Volleyball Championship 2025, maaaring makahakot ng milyun-milyong fans sa Pilipinas

BINIGYANG diin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang napakalaking potensiyal ng single-hosting ng bansa ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa susunod na taon, na aniya ay makakaakit ng milyun-milyong fans sa buong mundo.

“Sabi ng Federation Internationale de Volleyball (FIVB), grabe ang potential sa Pilipinas,” wika ni Cayetano habang ginaganap ang “PH to Serve,” isang concert sa Malacañang nitong gabi ng Setyembre 15, 2024 upang markahan ang isang taong countdown para sa sporting event na gaganapin sa Setyembre 12 hanggang 18, 2025.

“When it was brought to our attention that the Philippines could host or bid for the world championship, we tried for both the women and men world tournaments. Nakuha natin y’ung men. [We’re very excited because] this will open up doors not only for the country but for the 800 million fanbase ng volleyball sa buong mundo,” paliwanag niya.

Malaki ang naging papel ni Cayetano at ng kaniyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano sa pagdadala ng mga international volleyball tournament sa Pilipinas. Pinakahuli nito ay ang semifinals leg ng Men’s Volleyball Nations League (VNL) nitong nakaraang Hunyo.

Ayon kay Cayetano, maganda ang hinaharap ng sports tourism na itinatanghal sa pagganap ng tournament sa bansa.

“Unang-una ang mga target natin – Korean, Southeast Asian, Chinese, and Japanese – are precisely those who really travel to watch volleyball [games]… If we prepare our airport, hindi natin sila pahihirapan sa visa, at maganda ang marketing ng event, they’ll really come,” sabi ng senador.

“And the thing is when they see the beauty of the Philippines, babalik-balik ‘yan,” dagdag niya.

Aniya, magsisilbing “pampagana” ang tournament sa pagpapakita ng turismo ng Pilipinas.

“Main event siya in terms of the sports, pero sa tourism, appetizer lang ‘yan. Once the tourists are here, we can advertise our islands, mountains, culture, and food,” paliwanag niya.

Bilang Chairman Emeritus ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), naging dedikado si Cayetano at si Sen. Pia sa pagsuporta sa volleyball mula nang makilala ang potensiyal nito noong 2019 Southeast Asian Games.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Cayetano sa mga pangunahing tagasuporta, partikular na ang business mogul at sports patron na si Manny Pangilinan na may malaking kontribusyon sa sports sa bansa.

“We’d like to thank talaga MVP – Mister (Manny) Pangilinan – kasi hindi lang sa basketball, sa ibang sports grabe ang kanyang support,” sambit niya.

Pinuri din niya ang suporta ng administrasyon para sa tournament.

“Y’ung suporta ng administration is 100 percent. [My Local Organizing Committee] Co-chairs Vinny Marcos and Tourism Secretary (Christina) Frasco are really working hard,” aniya.

Sa darating na isang taon na paghahanda, tiwala si Cayetano na ang kumbinasyon ng pagsusumikap, pananampalataya, at koordinasyon ay susi para masiguro ang matagumpay na paligsahan.

“We really have to work hard, put a step to our faith, and a lot of coordination and prayer. But as I said, maganda na ang seed ng volleyball dito, maganda rin ang soil. So, what we’re just trying to do is prepare the environment for this competition,” wika ng senador.

Nakikini-kinita rin ni Cayetano na higit pang lalago ang kakayahan ng bansa sa pagho-host ng iba’t ibang palakasan.

“Ten years from now, I really see many, many more coliseums at multi-sports na talaga ang Pilipinas,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble