WALA na ngang bilib ang mga kababayan nating naapektuhan ng matinding pagbaha na dulot ng sama ng panahon. Hindi na nga anila sila naniniwala sa mga pinagsasabi ni Bongbong Marcos Jr. gaya ng ipagmalaki nito sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na nakatapos umano ang kaniyang administrasyon ng mahigit limanlibong flood control projects.
“Sa pagpihit ng panahon ang hagupit ng La Niña at matinding pag-ulan naman ang ating binabantayan at ating pinaghahandaan, mahigit limang libo at limang daang flood control project ang natapos na at marami pang iba ang kasalukuyang ginagawa sa buong bansa,” mensahe sa SONA ni Ferdinand Marcos, Jr. President, Republic of the Philippines.
Ito ang taas-noong ipinagyabang ni BBM sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.
Ang nasabing umano’y accomplishment ng Marcos administration – pinalakpakan ng kaniyang mga kaibigan at kaalyado sa gobyerno.
Pero ano ito?
Bakit lubog sa tubig-baha ang malaking parte ng Metro Manila?
Hindi ba’t pinagyabang ni Marcos Jr. na umabot umano sa mahigit limanlibong flood control projects ang natapos at marami pa aniya ang tinatapos.
Base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of 8:00am Hulyo 25, araw ng Huwebes – umabot na sa halos 300 lugar mula sa halos lahat ng rehiyon sa bansa ang lubog sa tubig-baha.
Pinakamarami sa Region 3 na may mahigit 200 lugar ang binaha.
Sumunod ang MIMAROPA na may 34, CALABARZON 31, BARMM 13, Region 9 na mayroong 9, habang ang Region 2 at Region 10 ay mayroong tig-iisang lugar na binaha.
Kabilang ang Brgy. Longos sa Malabon City sa mga nagtitiis dahil sa matinding pagbaha na dulot ng Habagat na pinalakas pa ng Bagyong Carina.
“Kagabi na-stranded ako ng, anong oras nako nakauwi ng bahay alas nuebe na ng gabi.”
“Lalim hanggang dito kagabi nga dito.”
“Bale sa ngayon sir hanggang dito po dun sa amin sa may looban sa may Sampaguita po.”
“Oo hanggang dito po hanggang don sa may J. Dela Cruz,” ayon sa mga residente.
Ayon sa mga residente, ngayon lang sila ulit nakaranas ng matinding pagbaha sa kanilang lugar.
“Ngayon lang to na ganyan kagrabe, sobra hindi na talaga makadaan ang mga sasakyan, kahit anong uri ng sasakyan ‘di makadaan,” wika ni Joey, Residente.
“Ngayon lang noong una Ondoy tsaka ‘yong Yolanda ngayon lang sumunod,” ayon naman kay Jose, Residente.
“Ngayon lang,” ani Jun, Residente.
“Oo sir ngayon lang din pinasok ang bahay namin sir,” ayon kay JR, Residente.
“Hindi naman po, ngayon lang,” ayon naman kay Alex, Residente.
Ilang taon ang nakalipas matapos na nanalasa ang Bagyong Ondoy, ngayon lang ulit naranasan ng mga taga-Brgy. Longos sa Malabon ang ganitong taas ng tubig-baha kaya hindi sila naniniwala sa flood control project umano ng Marcos administration.
“Ay hindi ako masyadong naniniwala dun kasi sinasabi lang nila ‘yun, sinasabi lang nila ‘yon para lalakas sila,” ayon kay Jun, Residente.
“Hindi, wala po, wala sa Malabon tsaka Navotas, hindi po namin nararamdaman,” wika ni Alex, Residente.
“Ah wala, kalokohan ‘yun flood control, eh tignan mo nga’ yong nangyari sa NLEX na lang eh 9 hours di ba? San ang flood control dun? Di ba? Ang gobyerno kasi dapat may vision bago mangyari, ahead ka dapat di ba? saad ni Joey, Residente.
Kahit sa social media ay hinahanap ng milyun-milyong Pilipino ang sinasabi ni BBM na flood control project.
Matapos ang ginawang briefing kung saan pinag-usapan ang epekto ng sama ng panahon na ginanap sa NDRRM Operations Center sa Camp Aguinaldo, Quezon City – dumepensa si BBM sa kaniyang mga kritiko at sinabing nabangga aniya ng barko ang flood control kaya ito nasira at naging sanhi ng malawakang pagbaha sa halos lahat ng bayan.
“Nasira pa ‘yong flood control natin dahil binangga ng barko kaya halos lahat ng bayan ay lubog sa tubig,” paliwanag ni BBM.
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin para sa mga Pilipino kung anong barko ang nakabangga kelan nangyari ang sinasabi ni BBM na nasirang flood control na sanhi aniya ng mga pagbaha sa Kalakhang Maynila.