APRIL 16 nang ipinairal ng National Grid Corporation of the Philippines ang Red Alert status sa Luzon grid dahil sa kakulangan ng power supply habang Yellow Alert naman sa Visayas grid dahil sa nipis ng suplay ng kuryente.
Dulot iyan ng pagbagsak ng ilang mga power plant.
Ayon pa sa Department of Energy (DOE), mas lumala pa ang sitwasyon ng biglaang nag-emergency shutdown ang Pagbilao Power Plant sa Quezon Province.
Dahil diyan ilang lugar ang nakaranas ng power interruption sa gitna ng sobrang init ng panahon kabilang ang Benguet, Isabela, Nueva Ecija, Dagupan, Olongapo, at Quezon.
Araw ng Biyernes, muli na namang ipinaiiral ng NGCP ang Red Alert sa Luzon mula 3:00 hanggang 4:00 ng hapon at 6:00 hanggang 10:00 ng gabi habang Yellow Alert mula 12:00 ng tanghali hanggang 3:00 ng hapon, 4:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi, at 10:00 ng gabi hanggang 11:00 ng gabi.
Sabi ng NGCP, 19 na planta ng kuryente pa rin ang bagsak sa Luzon.
Kaya ang tanong ng karamihan, anong nangyari sa sinabi ng DOE na magiging sapat ang suplay ng kuryente ngayong tag-init?
“Ito ay hindi pangako. Yung forecast hindi pangako,” saad ni Sec. Raphael Lotilla, Department of Energy.
Paliwanag ng DOE na may mga bagay na nangyayari sa mga power plant na aniya ay ‘unpredictable’ tulad ng mga force outages at pagtaas ng demand sa kuryente noong mga nakaraang araw.
“For this particular week, average on the similar situation for the past four years is 700 megawatts. That’s the assumption of the force outages that will happen. But in the April 16 the force outages was 1811. So that’s about more than double,” ayon kay Irma C. Exconde, Director, Electric Power Industry Management Bureau.
“We cannot predict that the high temperatures will persist over a long period of time. Kasi it’s not only the power plants’ performance is affected but is also the peak demand,” ayon pa kay Lotilla.
Sabi ni Lotilla, inaasahan na sa weekend ay babalik na sa operasyon ang ilang mga mlalaking planta ng kuryente.
Pagtatayo ng mga power plant, nagkakaroon ng mga delay—DOE
Para sa long term solution, ipinahayag ng kalihim ang pangangailangan na magtayo ng mga bagong power plant.
Pero ‘yun nga lang aniya maging ang pagpapatayo ng mga ito ay nagkakaroon ng mga delay.
“Some power plants or proposed power plants for example are facing delays because of delays of issuance of permits. So, whether it is from the local government level or some other permitting system or permitting authority,” dagdag ni Lotilla.
Binigyang diin din ni Lotilla ang pangangailangan na magkaroon ng mga renewable power plant, pagtatapos ng mga transmission line, at pagtatayo ng liquified natural gas plants para hindi na maulit aniya ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw sa hinaharap.
“If they are delays in these, then it’s we ourselves who suffer” ani Lotilla.