Former PNP Chief Oscar Albayalde, may komento sa isyu ng intel fund ni VP Duterte

Former PNP Chief Oscar Albayalde, may komento sa isyu ng intel fund ni VP Duterte

SA loob ng ilang taong pananamihik ni Former Philippine National Police (PNP) Chief Ret. PGen. Oscar Albayalde ay binasag nito ang kaniyang katahimikan matapos magkomento kaugnay sa isyu ng intelligence fund ng bise presidente.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI news North Central Luzon kay Albayalde, lahat umano ng ahensiya ng gobyerno ay may nakalaang intelligence fund na maaaring kuwestiyonin lamang kung saan at paano ito gagamitin bagay na sinagot ni Vice President Sara Duterte.

“Base sa ating Vice President kung gagamitin sa anti-terrorism then well it good and of course hindi lang din doon. Sa anti-illegal drugs natin, paano natin…and of course ‘yung mga bata paano natin i-educate at paano natin ilalayo sa illegal drugs kasi alam naman natin na malaking problema natin sa illegal drug,” ayon kay Former PNP Chief Ret. PGen. Oscar Albayalde.

Aniya, kinakailangan ng bawat ahensiya ng gobyerno ang intelligence fund dahil mayroon itong pinaglalaanang espesipikong proyekto at operasyon.

Kaugnay rito, matatandaang Abril 2018 hanggang Oktubre 2019 nang mamahala si Albayalde bilang chief ng PNP sa ilalim ng Duterte administration.

Taong 2019 nang sinampahan siya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng reklamong graft at corrupt practices na ibinasura din ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman matapos walang maipakitang matibay na ebidensiya laban sa kaniya.

“Unang-una masakit talaga, masakit sa aking buong pamilya ‘yan lalong-lalo na sa mga anak ko, lalong-lalo na alam naman natin na ‘yang lahat ay pawang kasinungalingan at lahat ‘yan ay na-dismiss naman. Thank God that…talagang after a few months lang outright dinismiss ng DOJ then after…nung 2021 pa na-dismiss na rin ng Ombudsman lahat ng kaso so, nakita naman ng tao na talagang walang katotohanan ‘yun,” pahayag ni Albayalde.

Aminado naman si Albayalde na mayroon aniyang politika sa loob at labas ng PNP noong mga panahong iyon.

Sa ngayon, prayoridad nito ang kaniyang pamilya at kanilang negosyo.

Gayunpaman, mahirap aniyang talikuran ang 38-taong pagseserbisyo at paglilingkod nito sa sambayanang Pilipino simula nang siya ay magretiro kung kaya may posibilidad umanong muling magserbisyo sa taumbayan si Albayalde.

“Sa ngayon, hindi pa natin talaga masabing yes or no talaga na meron kang desisyon so, merong posibilidad, malaki ang posibilidad depende nga sa acceptance at saka reception ng tao sa iyo. Kung sa tingin naman nila makakatulong pa naman tayo, sabi ko nga kanina mahirap kasing talikuran ‘yung 38 years mo sa service then all of a sudden, 180 degrees bigla mo na lang talikuran, napakahirap kasi,” ani Albayalde.

Dagdag pa nito, sakali mang palarin ay mas makatutulong siya sa pagiging law maker kung saan mabibigyan nito ng boses ang mga kapwa Cabalen.

Ilan sa adbokasiya nito ang peace and order, pagpapahusay sa kalidad ng edukasyon, pagiging mahigpit lalo na sa pagkakasangkot ng mga law enforcement agencies sa kaso ng ilegal na droga at mabilis na resolusyon nito.

“Ang kailangan lang talaga natin dito is political will of course ‘yung backing nung mga… siyempre kung sinong puwedeng…kasi you cannot do this alone even during the time ni President Digong, nung panahon niya talagang gusto niya sana ‘di ba, pero sometimes hindi rin magawa lahat, it’s because meron pang ibang kumokontra or meron pang hindi talaga sumusuporta, kailangan ito para sa bayan, talagang para sa bayan, gawin natin hindi para sa mga kung sino lang ang gustong manatili sa posisyon,” aniya.

Hindi umano mahalaga kung anong klaseng gobyernong mayroon ang bansa dahil importante ang prinsipyo ng isang lingkod bayan sa kung anong nais niyang magawa para sa tao, sa masa, at bansang Pilipinas.

Nagpapasalamat naman si Albayalde sa suportang ipinagkaloob sa kaniya ng sambayanan noong siya ay dating PNP chief gayundin sa SMNI at kung nanaisin ng taumbayan ay handang-handa siyang magserbisyong muli partikular sa mga Cabalen.

Follow SMNI NEWS on Twitter