FPRRD, hindi naniniwala sa silbi ng EDCA sites upang mapigilan ang tensiyon sa Indo-Pacific Region

FPRRD, hindi naniniwala sa silbi ng EDCA sites upang mapigilan ang tensiyon sa Indo-Pacific Region

HINDI pabor si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa posibleng karagdagang pagtatayo ng panibagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas– bukod pa sa siyam na naka-kalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Matatandaan na sa isang press conference kasama si AFP chief Romeo Brawner, Jr. noong Setyembre 14, sinabi ni U.S. Admiral John Aquilino na magsasagawa sila ng mga rekomendasyon sa kanilang mga senior leader ukol sa mga karagdagang EDCA sites sa bansa.

“Gen. [Romeo] Brawner and I may make recommendations to our senior leaders for the consideration of additional sites but there’s still work to do there before we get to our answers” saad ni Admiral John Aquilino, U.S. Indo-Pacific Command.

Sinabi naman ni Gen. Brawner na walang kinalaman ang ibang mga bansa sa Indo-Pacific Region pagdating sa pagtatayo ng mga EDCA sites sa Pilipinas.

Samantala, ayon kay U.S. Ambassador to the Philippines Jose Romualdez na ang mga kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas, kabilang na ang EDCA, ay bahagi ng defense at security strategy ng bansa upang protektahan ang karapatan at sobereniya ng Pilipinas pagdating sa maritime territory.

Ang mga kasunduang ito rin aniya ay maaring magsilbing mechanism of deterrence o mekanismo na magpapapigil sa mga banta o aksiyon na maaring humantong sa komprontasyon, armadong labanan, o digmaan.

Binanggit naman ng U.S. Department of Defense ang ‘deterrence’ bilang isa mga palalakasin nito kaya sila nakikipag-alyansa sa mga bansa sa Indo-Pacific Region, kung saan parte ang Pilipinas.

Ngunit kung si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang tatanungin, hindi siya naniniwala na nagsisilbing ‘deterrence’ ang EDCA sites, aniya, ginagawa lamang garrison ng Estados Unidos ang Pilipinas.

“Kung sasabihin mo na padagdagan mo ang base as a deterrence, you must be joking. Pinagbibigyan lang ‘yan, America is making the Philippines a garrison. Para tayong detachment, ahead of Guam, Hawaii, then the Mainland– na dito muna sila mag-away, magbakbakan, kung sakali. Dito sa Philippines may missile sila, pagkatapos ang Filipino tutulong ng away.”

“But we will all suffer because we would be the first line of defense. Before they can move on to Guam then– maybe Hawaii, then America. Dito pipigilin nila. This is the tripwire—‘yung pagka ano pa ‘yung may wire na ano, pagna spy-spy ka, pagna-trip mo ‘yan, tripwire ay ang Pilipinas,” pahayag ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte

Naniniwala si Duterte na humihingi ang U.S. ng karagdagang base para sa kanilang mga missiles.

Samantala, ginawang halimbawa ni Duterte ang digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas, kung saan tumutulong naman ang puwersa ng America ngunit kayang depensahan ng Israel ang kanilang bansa sa pamamagitan ng Iron Dome, isang automated system na idinisenyo para protektahan ang kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagwasak sa mga rocket na inilulunsad ng Hamas.

Unang nilikha ng Israel ang Iron Dome na walang tulong mula sa mga Amerikano, ngunit gayunpaman ay kaya lamang nitong patamaan ang mga short-range rocket.

 “Good for Israel because without America, they can stand on their own, may Iron Dome sila because they have the native talent to make it, invent it, make it, manufacture and make it work. Tayo, wala eh.” 

“Depende tayo, meron tayo, marami, (pero) pang fiesta lang ito. Kwitis lang ito ma’am, wala tayong missile na ganun.” 

‘Wag na tayong magbolahan, do not be too naive, naivety can bring you down. So tama ‘yang atin, tama na ‘yang Amerika.”

They stayed here for 50 years and they want to prolong it, for how long? Can you please let us go?”

Samantala, iginiit ni Duterte na neutral pa rin siya pagdating sa tunggalian sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina.

Ngunit aminado ang dating Pangulo na wala siyang magagawa kung papabor ang mga Pilipino sa iisang panig lamang, lalo na’t mas pabor ang mga mamamayan sa mga Amerikano.

I’m not favoring China. Contrary, President Xi Jinping is my friend but he knows that I am a Filipino. Maybe in-case of “total war”, because by sheer popularity, 90% of Filipinos are pro-Americans.”

Who am I to go against that rising tide? I cannot just keep on harping pro-China or anti-China. I have to invest in what I believe is the present situation. If the Filipinos are 90% pro-China, wala tayong magagawa.  Then by all means, if at all I may just as a matter of principles, sabihin ko lang hindi ako kasi, nagsabi na ako na neutral ako,” ayon pa kay Dating Pangulong Duterte.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter