SA isang panayam, ipinaliwanag ng franchise law expert na si Atty. Rolex Suplico kung bakit walang violation sa prangkisa ang SMNI.
Si Suplico ay bahagi ng defense panel ng network sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises.
Una sa ipinaliwanag ni Suplico ang akusasyon ng violation sa change of ownership o sino ‘yung may controlling interest sa network na kung may pagbabago man ay dapat ipaalam sa Kamara.
“Ang tinutukoy nila ‘yung pagpapalit po ng Phoebus Holdings Capital Inc. na pumasok po at 46%. Now, sa batas po at sa juris prudence ng Korte Suprema, ‘pag sinabi ninyong controlling interest, ito po’y 50% plus. Iba ho ang 46%, i-compare mo sa 50% plus,” ayon kay Atty. Rolex Suplico, Franchise Law Expert.
Mayroong 46% na stocks o nasa P300-M plus na investment ang Phoebus Holdings Capital Inc. (PHCI) sa SMNI na tinutukoy ni Atty. Suplico.
Habang 53% stocks or nasa P347-M na investment ang sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na siyang major stockholder ng SMNI.
“Pag 46%, walang controlling interest. Therefore, there is no need to secure the prior approval of Congress,” paglilinaw ni Suplico.
Sinagot din ni Suplico ang issue ng red-tagging na siyang inaakusa ng mga makakaliwang witness ng Committee on Franchise.
Pati na ang issue ng fake news matapos tanungin ng isa sa program host ng SMNI na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz kung totoo bang P1.8-B ang travel funds ng Office of the Speaker sa taong 2023.
“Pag titingnan mo ‘yung batas, nakalagay doon deliberate or willful. Wala namang willful and deliberate doon eh. In fact, in many instances, including sa harapan po ng Committee on Legislative Franchises, si Ka Eric po ay humingi ng paumanhin. Siya po’y nag-ano, humingi po…nag-sorry po siya sa harapan ng Committee. Ang taong nagso-sorry ay wala pong deliberate dun. At kung ito naman pong patakaran natin na lahat ng pagkakamali—isasara natin ang istasyon, aba! Wala na hong matitirang istasyon sa buong Pilipinas, kasi tao lamang tayo… prone to err,” giit ni Atty. Suplico.
Ipinaliwanag din ni Suplico ang ipinipilit na dispersal of ownership violation ng SMNI.
Batay sa franchise law ng SMNI o R.A. 11253, required ang network na mag-benta ng at least 30% ng outstanding stocks nito sa mamamayang Pilipino.
At malinaw na walang required timeline dito ang SMNI lalo na’t sa 2044 pa mapapaso ang franchise nito.
“Ngayon, nagkamali ba ang Kongreso? Hindi ko po alam ha? Kung nagkamali man sila eh sa batas po yun eh? Walang time table po o sa batas na 5 years! Eh ang prangkisa po ng SMNI naaprubahan lang po noong 2019! Apat na taon pa lamang o limang taon pa lamang in existence. So, meron ka pang 20 years to fulfill it! So, bakit ka magfu-fulfill na wala namang limitasyon? Walang timeline!” dagdag pa nito.
At panghuli sa sinagot ni Atty. Suplico, ang isyu ng reportorial requirement na dapat taon-taon ay nagsa-submit ng update sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang SMNI hinggil sa compliance nito sa franchise law.
“Sa unang hearing pa lamang, umamin na committee secretary na nag-submit ang SMNI ng kaniyang reportorial requirements. Nakalagay doon… failure… Ang ano po, ang penalty is P500 per working day lamang. Hindi revocation. So, hindi ko malaman bakit pipilitin nila na-iproduce o pilitin nilang makikita ang wala sa batas,” giit pa nito.
Late part ng 1980’s nang magsimula sa franchise law practice si Atty. Suplico.
Pero ngayon lang daw ito nakakita ng ganitong panggigipit sa Kongreso.
At kahit na noong panahon na nagsilbi itong Congressman ng Iloilo ng tatlong termino o siyam na taon, wala aniya katulad ang partiality sa SMNI Franchise hearing ngayong 19th Congress.
Ngayong magkakaroon ng hearing sa Senado hinggil sa indefinite suspension ng SMNI mula naman sa National Telecommunications Commission (NTC), excited ang beteranong abogado dahil haharap aniya ito isang hearing na hindi ‘fishing expedition.’