ATING alamin kung gaano kaganda ang Great Wall of China sa nagpapatuloy na ‘friendship trip’ sa nasabing bansa.
Maaga kaming bumiyahe mula Beijing papunta sa bulubunduking bahagi ng China.
Ito’y para masilayan ang isa pinakatanyag na tourist spot at iconic landmark ng bansa— ang Great Wall of China.
Pero, ang inaasahan naming mainit na panahon, hindi nangyari dahil biglang sumama ang panahon.
Pagkatapos ng mahigit isang oras na biyahe, narating namin ang Mutianyu Great Wall.
Ito’y matatagpuan sa distrito ng Huairou, mga 70 kilometro hilagang-silangan ng Beijing.
Ang Mutianyu Great Wall ay kilala sa kaniyang magandang kapaligiran at malamig na panahon.
Isa ito sa mga well-preserved na bahagi ng Great Wall kaya patok sa mga turista.
Bilang diskarte, kapote at payong ang gamit ng mga turista para lamang makapasyal kahit umaambon.
Bago makatapak sa mismong Great Wall, naglakad muna kami papunta sa cable car station.
Dahil nga mga kababayan mahabang lakaran itong Great Wall, hindi namin kayang maglakad kaya gagamit kami ng Teknik! Cable car. Pagkaakyat, bumungad ang maraming turista.
Hindi lamang mga Chinese kundi pati na ang mga banyaga.
Mahigit 21,000 kilometro ang kabuuang haba ng Great Wall.
Ang mga pangunahing panahon ng konstruksiyon ng pader ay naganap sa ilalim ng Qin at Ming Dynasty.
Ginamit ito noon bilang proteksiyon laban sa mga mananakop.
Sa kasaysayan ng Tsina, maraming nomad tribes at empire mula sa hilagang mga rehiyon tulad ng Mongol at Manchu ang nagtangkang sakupin ang Tsina.
Ginamit din ang Great Wall bilang watch tower laban sa anumang mga pagsalakay.
Bago ang COVID-19 pandemic, dagsa ang turista na nagpupunta araw-araw sa Great Wall.
At dating sigla ng turismo nito ay unti-unti nang nagbabalik.
Kung iko-convert sa pesos, nasa P1,100 ang entrance fee.
Ang pagpunta namin sa Great Wall ay bahagi ng itinerary ng SMNI News mula sa imbitasyon ng Chinese Embassy sa Pilipinas.
“Once again we hope that first, your trip will be an observation trip. Second, your trip will be actually a trip of understanding to understand modern China. And third, is a trip of friendship that strengthens two neighbors (Philippines and China) relations together,” ani Sun Weidong, Vice Foreign Minister, People’s Republic of China.
Ang Great Wall of China ay hindi lamang simbolong pandepensa ng kanilang bansa kundi simbolo ng malawak at malalim na historya at kultura ng mga tsino. Simbolo rin ito ng kanilang pagkakaisa para ipagtanggol ang kanilang bayan laban sa mga dayuhan. Mga katangiang maaring ihambing sa ating mga Pilipino.