INULAN ng sermon ang mga opisyal ng Food Terminal Inc. (FTI) at mga farmer’s cooperative sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa sobrang taas na presyo ng sibuyas sa merkado.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos kung bakit bumili ang FTI ng napakamahal na sibuyas na umabot sa mahigit sa P500.
Paliwanag ni Israel Reguyal, chairman ng Bonena Multipurpose Cooperative ng Brgy. Curva, Bongabon Nueva Ecija, bumili sila ng halagang mahigit sa P500 na sibuyas kada kilo dahil sa kawalan ng supply noong Disyembre o holiday season.
Ganun din ang naging paliwanag ni FTI President Robert Tan na tumaas ang presyo ng sibuyas dahil sa kakulangan ng supply noong December 2022.
Subalit hindi ito kinagat ni Senator Cynthia Villar kung saan may hawak na data ang mambabatas mula sa Department of Agriculture (DA) na mayroon pang stock para sa holiday season noong nakaraang taon kung saan malabo aniya ang katuwiran na may kakulangan ng sibuyas.
Ibinunyag pa ng mambabatas, may kasong kinahaharap sa Ombudsman si Tan at ang Bonena Cooperative na sabwatan sa pagbili ng sibuyas kung kaya wag aniya silang gawing tanga sa kanilang ginagawang pag-iimbestiga.
Mas lalong nairita si Villar nang sabihin ni Tan na naka-leave siya nang panahon na bumili ng mahal na sibuyas.