IPAMIMIGAY na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fuel subsidy para sa jeepney drivers simula ngayong araw, Marso 15.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, kabuuang P2.5-B na subsidya ito para sa kasalukuyang buwan mula sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Andanar, mayroong mahigit 377,000 beneficiaries na natukoy dito ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB kung saan unang makatatanggap ang jeepney drivers.
Sa ilalim ito ng 2022 General Appropriations Act, kasama rin sa makakukuha ng subsidiya ang mga bus drivers, UV Express, minibus, shuttle services, taxi, tricycle, Transport Network Vehicle Services (TNVS) o motorcycle taxi, ride-hailing apps, at delivery services.
Pero paglilinaw ng ahensya, tanging ang jeepney drivers lang muna ang makatatanggap ng ayuda simula ngayong araw habang kinakailangang maghintay ng ikalawang kwarter ang iba pang uri ng transportasyon tulad ng mga tricycle.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong Lunes, sinabi ng Transportation officials na nasa P6,500 ang ibibigay sa kada jeepney driver sa pamamagitan ng kanilang Pantawid Pasada cards.
Sinabi ni Joemier Pontawe, project manager ng DOTr na nasa 136,000 na mga jeepney driver ang makikinabang ng nasabing subsidiya.
Paliwanag ng opisyal, unang mabibigyan ang mga jeepney drivers dahil naibigay na sa kanila ang kanilang cards para sa fuel subsidy.
Samantala, ang ibang mga transport sector gaya ng tricycle na tinatayang nasa 43,000 ay kailangan pang maghintay hanggang sa ikalawang quarter.
Hindi pa malinaw kung magkano ang matatanggap ng mga tricycle driver at delivery riders.
Nauna nang inihayag ng LTFRB na maaari silang tumanggap ng mas mababa sa P6,500 na subsidy dahil mas kakaunti ang kanilang nakonsumo sa gasolina.
Gayunpaman, tiniyak ng ahensya na binibilisan nila ang paglalabas ng fuel subsidy para sa ibang modes of transportation.
Kinokolekta na rin ng ahensya ang mga bank information ng mga benepisyaryo.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOTr sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa fuel subsidy ng tricycle drivers, pati sa Department of Trade and Industry (DTI) para naman sa mga service delivery drivers.
Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program, mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga PUV drivers bilang tugon sa patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.