HAYAAN ang health experts na pag-aralan ang paggamit ng gamot na Ivermectin.
Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, kung mapatunayang makatutulong ito sa COVID-19 patients ay dapat maging bukas na gamitin ito.
“Kung pwede naman po dapat bukas po ang ating isipan na pag-aralan ang mga ito. Malay n’yo po. Desperado na tayo. Halos lahat po ng tao sa buong mundong ito ay desperado na po sa panahong ito na makadiskubre po ng gamot at magkaroon tayo ng solusyon dito sa problemang ito,” pahayag ni Senador Go.
Kaugnay dito, ipinanawagan rin ni Sen. Go sa Food and Drug Administration (FDA) na huwag na tagalan ang pag-apruba ng naturang gamot kung mapatunayang epektibo ito bilang prevention laban sa COVID-19.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Senador Go kaugnay sa pagkakaroon ng vaccine institute sa Pilipinas.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto niyang magtayo ng vaccine institute bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
“Ako naman po ay pabor ako dito sa vaccine institute na ito dahil ‘di naman po natin masabi kung meron pang pandemyang dumating sa buhay natin. Mas mabuti na pong maging proactive po tayo, ready po tayo sa lahat. Sa nangyari po ngayon ay take it or leave it tayo. Kung ‘di tayo sumunod sa kanilang mga agreement (vaccine manufacturers) ay hindi tayo bibigyan ng bakuna,”dagdag ni Go.
(BASAHIN: WHO, nagbabala sa paggamit ng Ivermectin sa tao vs COVID-19)