PATULOY ang mga kaganapan kaugnay ng ‘Green Rise Action Initiative’ sa Davao City, kung saan ipinaliwanag ng dating opisyal ng Malacañang ang kahalagahan ng nasabing inisyatibo bilang pagpapakita ng suporta ng mga Dabawenyo sa dating Mayor ng lungsod at dating Pangulo, Rodrigo Roa Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay dating Budget Secretary Wendel Avisado, ang inisyatibong ito ay isang kusang-loob na pagkilos mula sa masa na hindi pinamumunuan ng kahit sinong politiko, kundi ng mga karaniwang mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
“Ang Green Rise Action ay isang pagkilos ng ating mga kababayan, partikular dito sa Davao, dahil kami ‘yung higit na naapektuhan nung nangyari sa ating dating Pangulo at dating Mayor ng Davao City na si Rodrigo Duterte na mas kilala ngayon sa tawag na Tatay Digong.”
“Ito ay isang community-based at wala pong mga politiko dito na talagang siya ang nangunguna, kundi mga taong kung saan-saang sektor nanggagaling at nagkatipun-tipon. Wala po kaming mino-mobilize, lahat po pumupunta ng kusa dahil alam nila na mayroong importanteng kausa na pinaglalaban itong pagkilos na ito,” saad ni Wendel Avisado | Former DBM Secretary, Duterte Administration.
Aniya, maraming Dabawenyo ang galit, masama ang loob, at punong-puno ng poot ang damdamin dahil sa hindi nila inaasahang hakbang na ipaaresto si Duterte sa mga banyaga.
Hanggang hindi nakababalik ng bansa ang dating Pangulo, ayon kay Avisado, hindi matatapos ang mga pagtitipon ng mga tao upang ipakita ang kanilang buong suporta at pagmamahal kay dating Pangulong Duterte.
“Kaya po hindi po kami pasusupil, we will not be silenced, sabi nga mismo ni Tatay Digong, I am not a Filipino for nothing, we are most of all blessed with all of our talent and energy at kung paano niya, at talagang sinikap niya na magawa lahat para sa ating bayan at ganun pa ang gagawin sa kanya,” aniya.
Mga Pilipino, ginagawang pulubi dahil sa ‘di makatarungang pamimigay ng ayuda—Former DBM Sec.
Samantala, ipinaabot naman ni Avisado ang kaniyang pagkabahala sa patuloy na pamimigay ng ayuda ng gobyerno na tila ginagawang pulubi na lamang ang mga Pilipino.
Bilang dating opisyal ng gobyerno, aminado si Avisado na ngayon lamang niya nakita ang ganitong uri ng pamamalakad.
“Walang kapararakang pamimigay ng pera na para bang limos na lang…”
“Ngayon ko lang nakikita ‘yan, matagal din naman ako sa gobyerno, pero bakit kailangang gawin ‘yan. Sarili nating mga kababayan ginagawa nating beggars,” giit nito.
Sa halip aniya kasi na gamitin ang pondo, lalo na ang mga utang ng bansa, para sa mga long-term infrastructure at livelihood projects, tila inuubos ito sa pamimigay ng ayuda na walang konkretong epekto sa pangmatagalang pag-unlad.
Binigyang-diin niya na kung uutang man ang bansa, ito ay dapat ilaan sa makabuluhang proyekto at pangmatagalang solusyon na pakikinabangan ng taumbayan.
“Saan natin kukunin ‘yung ibabayad sa mga utang natin, and plus the fact na may mga proyekto tayong pinapatupad na talagang sukdulan ang dami naman, awa ng Diyos nung kapanahonan ni Pres. Duterte, na ngayon ay wala na tayong makita. Bagkus ang nakikita natin ‘yung mga nangasisira na, na bigla na lang nabubuwal na proyekto. Pagkatapos imbes na igugol sa mga pangmatagalang mga proyekto na makapagbigay ng hanapbuhay sa ating mga kababayan,” aniya pa.
Kamakailan, iniulat ng Bureau of Treasury na lumubo pa sa P16.63T ang utang ng gobyerno ng Pilipinas noong Pebrero ng taong ito.
Follow SMNI News on Rumble