BINAWI ng grupo ng magsasaka ang kanilang suporta kay Senator Manny Pacquiao.
Ito ang inihayag ng Workers and Peasants Party na kilala bilang Labor Party of the Philippines (LPP), ang ikalimang pinakamalaking political party na akreditado sa Commission on Elections (COMELEC).
Ayon sa grupo, ikinalulungkot at pinanghihinayangan nila na hindi na nila ipagpapatuloy pa ang pagsuporta kay Pacquiao sa pagkapangulo sa darating na eleksyon.
Ito’y kasunod ng imbitasyon ng grupo sa senador na maging pangulo ng kanilang partido.
Ngunit ayon sa grupo, sa isang panayam noong Setyembre 6 ay nanindigan pa rin si Pacquiao na mananatili sa PDP-Laban bilang presidente ng partido at tiniyak na ito ang magiging presidential candidate ng ruling party.
Pinasalamatan naman ng grupo ng magsasaka o pamunuan ng LPP ang senador at nirerespeto ang naging desisyon nito.