Guidelines ng granular lockdown sa NCR, posibleng ilalabas ngayong araw

Guidelines ng granular lockdown sa NCR, posibleng ilalabas ngayong araw

PINAPLANTSA na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga detalye sa ipatutupad na pilot testing ng granular lockdown sa National Capital Region (NCR) na inaasahang magsisimula sa Setyembre 8.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ibang istratehiya ang iimplementa ng pamahalaan na kakaiba sa kasalukuyang umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR.

Kaugnay nito, sinabi naman ng National Task Force Against COVID 19 na masusing pinag-aaralan ang pag-iimplementa ng granular lockdown sa NCR.

Sinabi ni NTF Against Coronavirus Spokesperson Retired Major General Resituto Padilla, hinihintay nalang nila ang paglalabas ng mga panuntunan mula sa kanilang technical team para rito.

Posible namang ilalabas ngayong araw ang detalye ng mga implementing guidelines sa granular lockdown.

Layunin ng pagpapatupad nito na magkaroon ng mas mainam na pangangasiwa ng public health.

Kasabay din nito ang pagbubukas muli ng ekonomiya nang sa ganoon magkaroon pa ng pag-usad nito at mapangalagaan ang mga trabaho na kailangan ng bawat mamamayan.

Inilahad pa ni Padilla na maituturing na “process of transitioning” ang granular lockdown papuntang new normal.

Pagdating naman sa ayuda sa apektado ng iimplementang granular lockdown, sinabi ni Padilla na tulung-tulong o nagbabayanihan ang mga local government units (LGUs) at national government.

Ibig sabihin kung hindi na kinakaya ng LGU, papasok ang national government at hinihintay lang ang abiso ng mga lokal na pamahalaan kung ano talaga ang tulong na kakailanganin nila.

BASAHIN: PNP, naghahanda na para sa ‘granular’ lockdowns; Metro Manila isasailalim sa GCQ

 

SMNI NEWS