VIRAL kamakailan sa social media ang video ng isang gurong nanenermon sa kaniyang mga estudyante na kaniyang ini-livestream sa TikTok.
Mapapanood sa video ang gurong nagagalit at nakapagbitaw ng mga maaanghang na salita sa kaniyang mga estudyante.
Para kay Vice President at Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte, naiintindihan niya ang naging reaksiyon ng guro na aniya ay tao lamang ito.
“Ang una kong naging reaction is… tao lang ‘yung teacher. Lahat tayo umaabot sa punto na nagagalit tayo lalo kapag nafru-frustrate tayo. This is especially true sa mga teachers dahil ang mga teachers hindi lang isa ‘yung taong kausap nila. Ang isang klase mayroong 25 to 45. Sometimes 55 students,” ayon kay Vice President Sara Duterte/Secretary-DepEd.
Napagdesisyunan ni VP Duterte na walang ipapataw na penalty sa guro. Kung kaya’t kaniya na lamang siyang pinayuhan.
“Nakita ko ‘yung explanation niya. Sinabihan ko ‘yung Regional Office natin na there will be no penalties for the teacher. Just remind the teacher na if she is angry, she has to pause. Itigil muna ‘yung klase. When she is not angry anymore saka siya magklase ulit. So, there is a need to pause kapag galit ‘yung teacher,” ani VP Sara.
Paliwanag ng guro na hindi niya namalayan na live siya online.
Batay sa inisyal na impormasyon na nakuha ng DepEd, mga masasakit na pahayag mula sa iilang estudyante ang nag-udyok umano sa guro na pagalitan at makapagbitaw ng mga masasakit na salita laban sa kaniyang mga estudyante.
Mga estudyanteng nasermonan ng gurong nag-viral online, sasailalim sa psychological first aid—VP Sara
Sasailalim naman ang mga estudyante sa pyschological first aid.
“Mayroon naman tayong psychosocial support sa ating mga teachers. We have teachers who are trained for stress debriefing lalo na sa ating disaster programs. So, pwede itong gawin kung mayroon mang bata na nag-manifest na mayroon siyang anxiety or stress na naramdaman dahil sa nangyari,” dagdag pa ni VP Sara.