DUMATING na sa bansa ang halos 4-M dosis ng Pfizer vaccines na donasyon ng US government sa pamamagitan ng COVAX.
Bago mag-alas 11:00 kaninang umaga nang lumapag ang eroplano ng Qatar Airways Flight QR8326 sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) karga ang 3,999,060 dosis ng Pfizer vaccines.
Ang naturang mga bakuna ay donasyon ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX.
Inaasahan din ang pagdating ng nasa kabuuang 1,167,660 doses ng COVID-19 Pfizer vaccines mamayang gabi na binili ng pamahalaan sa pamamagitan ng World Bank.
Ang mga bakunang darating ay sakay ng Air Hong Kong Flight LD 456 na lalapag pasado alas 9:00 mamayang gabi sa NAIA Terminal-3.
Ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 Medical Consultant Dr. Paz Corrales ang pagkakaroon ng ikaapat na National Vaccination Day na sisimulan ngayong Marso 10 hanggang Marso 12 ay pagsisikap ng pamahalaan na mapataas pa ang vaccination turn out ng Pilipinas.
Nilinaw ng pandemic task force na ang mga bakunang dumating at parating ngayong araw ay gagamitin para sa edad labing dalawang taong gulang pataas.
Sa ngayon nasa kabuuang 231 ,505,650 doses na ng COVID-19 vaccines ang tinanggap ng Pilipinas simula Pebrero 28, 2021.