NASA kabuuang 1,719,500 dosis ng COVID-19 vaccines ang inaasahang darating ngayong araw sa bansa.
Unang darating ang nasa kabuuang 1,497,200 dosis ng Moderna vaccine sa bansa kung saan lulan ito ng China Airlines Flight CI 703 na inaasahang lalapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport.
Habang ang nasa kabuuang 222,300 dosis ng Pfizer vaccine na sakay naman ng Air Hongkong Flight LD 456 ay inaasahang lalapag ng alas 8:55 mamayang gabi sa NAIA Terminal-3.
Una na rin sinabi ni NTF chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez Jr. na karagdagang pang 46M dosis ng COVID-19 vaccines ang darating sa Pilipinas.
Aniya, base sa huling data mula sa National Vaccination Operations Center (NVOC) umabot na sa halos sampung milyong vaccine doses ang na-administered sa panahong ng limang araw na NVD mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3,2021
Matatandaan sa National Vaccination Day nasa mahigit na 2.7 million ang nabakunahan noong Day 1, mahigit na 2.4 million noong Day 2 at mahigit 2.8 million noong Day 3.
Sumatotal, 8,090,078 ang total vaccines administered sa tatlong araw o katumbas sa 89.06% ng committed target ng pamahalaan.
Ang National Vaccination Day ay pinalawig ng hanggang Biyernes o Disyembre 3 na nadagdagan pa ng 1,847,749 vaccines administered.
Nasa kabuuang 146,486,660 dosis na ng COVID-19 vaccines ang tinanggap na ng Pilipinas.