Higit 2K indibidwal, sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa health protocols

Higit 2K indibidwal, sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa health protocols

SINAMPAHAN na ng kaukulang kaso ang nasa 2,250 katao dahil sa paglabag sa itinakdang health at safety protocols ng pamahalaan.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, partikular na naitala ang paglabag ng mga indibidwal sa polisiya na mandatory na pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa social distancing.

Dagdag pa ni Secretary Año, nakabase ang naturang datos ng DILG simula Hunyo 14 hanggang Hunyo 20.

Minomonitor na rin ng DILG ang progreso ng imbestigasyon kaugnay sa super spreader events noong buwan ng Mayo, maging ang mga kasong isinampa laban sa mga indibidwal at opisyal ng barangay na sangkot dito.

Samantala, sinabi ng kalihim na wala namang naitalang kaso pagdating sa regulasyon ukol sa pagbabawal sa mass gatherings o tinatawag na super spreader events ngayong linggo.

Pahayag ni Año, ito ay magandang senyales na talagang tumatalima na ang mga tao sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na paigtingin ang pagpapanatili ng kaayusan.

Kasama na rin ang pagbabantay na sinusunod ng lahat ang health protocols na ipinapatupad ng pamahalaang nasyonal at lokal.

Ito ay upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus lalot mayroong naitatalang kaso ng bagong variants na mas delikado at nakahahawa kagaya na lamang ng Delta variant.

(BASAHIN: Pagtigil sa publiko na magsuot ng face shield hindi napapanahon — DILG)

SMNI NEWS