Higit 3,600 overseas jobs alok ng DMW sa Araw ng Kalayaan

Higit 3,600 overseas jobs alok ng DMW sa Araw ng Kalayaan

KALAYAAN mula sa kahirapan at kawalan ng trabaho—’yan ang kahulugan ng Araw ng Kalayaan para sa ilang Pilipinong nakiisa sa isang overseas job fair sa Ortigas, Quezon City.

Tampok sa job fair ang 3,700 overseas job opportunities mula sa 10 lehitimong recruitment agencies, na may alok na trabaho sa iba’t ibang sektor gaya ng healthcare, edukasyon, hospitality, konstruksiyon, at maritime.

Ilan sa mga aplikante ang hindi inaasahang ma-hire-on-the-spot—gaya ni Angelica, na sa kaniyang ikalawang paglahok sa job fair ay pinalad na matanggap agad bilang cleaner sa Saudi Arabia.

“Overwhelming po, hindi ako makapaniwala.”

“At least magiging experience rin naman siya, sa ibang country since first timer lang,” ayon kay Angelica Buyal, Job Seeker.

Bukod kay Angelica, pinalad din sina Renalyn at Early Joy na ma-hire-on-the-spot.

“Opo, masaya po kasi hinahire on the spot kami agad-agad tsaka nakaka-overwhelm,” ayon kay Renalyn Moran, Job Seeker.

“Excited na parang kinakabahan, medyo shock pa rin ako.”

“Okay naman kasi ‘yung offer nila—’yung bahay doon, pagkain nila—okay naman po, so sabi ko, sige po, i-grab ko na lang,” wika ni Early Joy, Job Seeker.

Bukas ang job fair sa mga aplikanteng nakapagparehistro online, habang pinapayagan ding magpasa ng resume sa mga drop box ang mga walk-in applicants na hindi nakapagparehistro.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, layunin ng aktibidad na ito na bigyang-daan ang mga Pilipinong nagnanais magtrabaho abroad na makakonekta sa mga lisensiyado at lehitimong ahensiyang may aprubadong job orders—isang hakbang patungo sa ligtas at legal na pag-aabroad.

Aniya, malaki ang posibilidad na lumagpas sa target dahil karaniwan nang may oversubscription ng mga aplikante.

Kalimitan, higit 50% ng mga aplikante ang nire-refer para sa susunod na interview o pagsusumite ng requirements—ibig sabihin, malaki ang tsansang makapasok sa trabaho.

“Usually kasi binibilang natin ang hired-on-the-spot, in a job fair, more than 50% are being asked to return or being processed for further interview or submission ng requirements, ‘yun ang pinanghahawakan namin,” saad ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Dagdag pa ng DMW chief, may malinaw na pagbabago sa mga in-demand na trabaho. Mula sa mga highly technical at professional jobs noon, mas tumataas na ngayon ang pangangailangan sa mga skilled at semi-skilled workers gaya ng caregivers at factory workers.

Samantala, ilan sa mga aplikante ay nagpahayag kung ano ang kahulugan ng kalayaan para sa kanila bilang Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad.

“Sa Araw ng Kalayaan ngayon, may pagkakataon tayo makapagdesisyon sa ating trabaho kung saan mas mapapaganda at makatulong tayo sa ating pamilya,” wika ni Alvin, Job Seeker.

“Kalayaan sa akin, may karapatan ang bawat Pilipino pumunta kahit saang lugar na gusto niya,” ani Lyza, Job Seeker.

 “Malaya tayong mamuhay sa kung saan nating gustong puntahang bayan, pero gusto po sana namin, dito pa rin,” saad ni Jess Ramos, Job Seeker.

Habang patuloy ang paghahanap ng mga Pilipino ng mas magandang oportunidad sa labas ng bansa, nananatiling hamon ang tiyaking ligtas, legal, at makatao ang kanilang pag-aabroad. Paalala ng Department of Migrant Workers: ang tunay na kalayaan ay makakamit kung may sapat na kaalaman at proteksyon ang bawat manggagawang Pilipino—saan mang panig ng mundo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble