NAGHAHANDA na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na rumesponde sa posibleng epekto ng low pressure area (LPA) sa Bicol Region at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa isang pahayag, inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga field office na agad ng makipag-ugnayan sa mga Local Chief Executives (LCEs) bilang bahagi ng response protocol.
Tuluy-tuloy aniya ang repacking operation ng ahensya maging ang pag-preposition ng mga relief good.
Sa paraang ito ay makasisiguro na handa ang pamahalaan sa ipapamahaging tulong sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng sama ng panahon sa mga naturang lugar.
Sa pinakahuling datos mula sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center ng ahensya, nasa P2.2 bilyon ang standby funds at stockpiles ang inihanda na ng ahensya.
Kabilang dito ang nasa 643,947 family food packs (FFPs) na nagkakahalaga ng P439-million; at iba pang food and non-food items (FNIs) na higit sa P972 million.
Samantala, pinapayuhan naman ng DSWD ang mga residente na sumunod sa mga abiso ng kanilang LGU kaugnay ng lagay ng panahon.