INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sa unang buwan ng Marcos administration nabayaran na ang milyon-milyong utang sa mga tsuper at operator ng EDSA Bus Carousel.
Tinupad ng LTFRB ang kanilang pangako na mabayaran ang mga driver at operator ng mga Public Utility Bus na pumapasada sa EDSA Busway sa ilalim ng Libreng Sakay ng Service Contracting Program.
Sa datos ng ahensiya, nasa P445.46 milyon na ang nabayarang utang para sa Week 6 hanggang Week 13 ng Service Contracting Program Phase 3.
At ngayon, kasalukuyang pino-proseso ng LTFRB ang bayad sa mga driver at operator para sa week 14 at 15.
Ipinaalam naman ni LTFRB Chairman Atty. Cheloy Garafil na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga PUB consortia ng EDSA Busway.
Ito ay para masimulan na ang proseso sa pagbabayad para sa Week 16 na nagtapos nitong nakaraang linggo.
Mababatid na inihayag ng LTFRB na pinabibilis na nila ang proseso ng pagbabayad sa mga public utility bus driver at operator na pumapasada sa EDSA Busway.
Ito ay sa gitna ng kabi-kabilang reklamo na hindi sila nababayaran para sa kanilang serbisyo.
Ani Atty. Garafil, tuloy-tuloy ang pagsagot ng pamahalaan sa mga isyu na may kaugnayan sa pampublikong transportasyon.
“Patuloy ang LTFRB sa pagsagot sa mga isyu at concerns patungkol sa kasalukuyang pampublikong transportasyon base sa mandato ng bagong administrasyon upang mapadali ang buhay ng ating mga operator, drayber at mga pasahero,” pahayag ni Garafil.