PARA sa Department of Justice (DOJ), napapanahon na ang paggamit ng video recordings bilang ebidensiya sa krimen.
Ito’y kahit pa hindi nagpakilala o lumantad ang may-ari nito.
Pero marami pang bagay na dapat isaalang-alang para hindi ito maabuso.
Hiniling ni Bicycle Advocate Atty. Raymond Fortun sa Korte Suprema na magamit ang mga video recordings mula sa cellphone, dashcams at CCTV footages bilang ebidensiya sa crime scene kahit ito ay galing mula sa anonymous owner.
Sa isang open letter kay Chief Justice Alexander Gesmundo apela ni Fortun na ma-amyendahan ang rules of procedure sa paghahain ng electronic evidence.
Ito’y upang mapangalagaan ang seguridad ng sinuman na gustong magsumbong sa krimeng nasaksihan nito pero nag-aalala sa kaniyang kaligtasan.
Isa sa inihalimbawa ni Fortun ay ang uploader ng video ng road rage sa pagitan ng ex-cop na si Wilfredo Gonzales at siklista na si Allan Bandiola.
Ang uploader ay nakatanggap umano ng pagbabanta sa kaniyang buhay matapos nitong maisapubliko ang pagkasa ng baril ni Gonzales sa siklista.
Sa kalaunan ay binura ng uploader ang video sa social media.
Sinabi rin nito na nakatanggap din siya noon ng video mula sa isang netizen ng road rage incident kung saan tinutukan ng isang motorista ng baril ang isang taxi driver.
At sa takot sa seguridad ng kaniyang buhay, nag-iwan umano ito ng instruction na ‘wag isapubliko ang kaniyang pagkakakilanlan.
“It in this light, in the higher interest of substantial justice and the protection of the citizenry, and in view of the potential for current technology to aid in crime prevention, that the undersigned asks the High Tribunal to consider the passage of a new Rule of Procedure or, in the alternative, an amendment/s of our current Rules on Electronic Evidence, so that our courts would favorably consider the appreciation and admission of video recordings coming from mobile phones, dashcams, and CCTV footages obtained from anonymous sources,” pahayag ni Bicycle Advocate Atty. Raymond Fortun.
Ang Department of Justice (DOJ) ay sinusuportahan ang ganitong ideya lalo na kung para umano sa ikabibilis ng paggawad ng hustisya.
Sa tingin ni DOJ spokesperson Asec. Mic Clavano, napapanahon na ang paggamit nito bilang ebidensiya kahit pa hindi nagpakilala ang may-ari ng video recordings at napapanahon nang rebyuhin ang rules and procedures.
Pero ayon dito maraming dapat ikunsidera para hindi ito maabuso.
“Dahil sa phenomenon ng social media at mga naglalabasang anonymous video, it’s high time that we review the rules as to what rules would be after that review, I cannot say yet.”
“Marami kasing dapat ikunsidera dyan…may privacy consideration at credibility consideration…na maaaring maabuso… kaya ito ang dapat din matignan…ang purpose kasi niyan ay maging credible ang ebidensyang yan”
“Sa aking karanasan, may mga nagpadala na din ng maraming video gaya ng mga aksidente, hanggang sa aktuwal na operasyon o raid…ang una kong tanong sinong kumuha?….san gagamitin? Kapag binuksan natin ang ganyang patakaran at naging maluwag, maaring maabuso talaga ito…kaya tama lang na ang Korte Suprema ang magpasya kung kailangan ng pag-amyenda rito,” saad ni Asec. Mico Clavano, Spokesperson, DOJ.