Historian nanawagan ng mas malalalim na pag-unawa sa kasaysayan ng bansa

Historian nanawagan ng mas malalalim na pag-unawa sa kasaysayan ng bansa

SA panayam ng SMNI News kay Prof. Virlyn Jaime Francisco isang historian, mas mabigat ang deklarasyon ng kalayaan noong June 12, 1898 hindi lang dahil ito ang unang pormal na proklamasyon mula sa mga Espanyol, kundi dahil ito ay nagsilbing estratehiya upang mailagay sa sentro si Emilio Aguinaldo kahit pa hindi buo ang suporta ng lahat ng rebolusyonaryong puwersa noon.

“Unang wagayway ng bandila na ginawa nila sa Hong Kong, ay ang wagayway ang magaganap dito sa Alapan sa Imus Cavite. Tinatawag na Flag Capital si Imus Cavite kasi dito unang magaganap ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas noong May 28, 1898. So ‘yan inorganize nila ang puwersa nila at mananalo sila sa Battle of Alapan.”

“So ngayon idineklara nila ‘yung kalayaan ng June 12 para mabilis, analysis ko ha para mabilis makapunta ‘yung spotlight dito kay Aguinaldo,” ayon kay Prof. Virlyn Jaime Francisco, Historian.

Dagdag pa ng propesor, hindi dumalo ang mga Amerikanong opisyal sa deklarasyon at maging si Apolinario Mabini ay hindi kumbinsido na ito ay tunay na kalayaan.

Hindi rin umano natapos sa Espanya ang pananakop sa bansa at sunod-sunod pa ang pamumuno ng mga banyaga mula sa British, Amerikano, at Hapon.

Pero kung ganito karaming pananakop ang pinagdaanan ng Pilipinas, bakit isang araw lang ng kalayaan ang ating ginugunita?

“So, ang kaparehas natin ‘yung mga sakop ng Espanya. Kasi ‘yung mga sakop ng Espanya, nung lumayas na sa Spain, nakuha rin ito ng Amerika, kagaya ng Guam, Puerto Rico. Pero kaiba ang mga Pilipino, kasi kung sila nakadalawa, tayo nakaaaat. Di ba? Nakaapat tayong colonizers. Meron tayong Espanya, British, and then America, and then Japanese,” aniya.

“So, tayo lang talaga ‘yung napakaraming Independence Day. Pero namili tayo ng e ce-celebrate. Pero may mga historians pa rin na sa kabila ng pagkadami natin ng Independence Day, niniwala sila na hindi pa talaga to ang totoong Independence Day. Baka magkaroon pa na makusunod pa,” dagdag nito.

Binigyang-diin din ni Prof. Francisco ang mga kompromisong ginawa ng Pilipinas upang makamit ang kalayaan. Mula sa Treaty of Paris, Tydings-McDuffie Act, hanggang sa parity rights na tila may kapalit ang bawat kalayaan na ibinigay sa atin.

“Kaya paano mo masabing totoo ang kalayaan ito kung meron tayong na-compromise. Meron tayong itinali pa rin natin ‘yung sarili natin doon sa mga tao na magpapalaya sa atin. What if kaya kong sinabi natin sa Americans na, hindi palayaan niyo kami, walang treating pinag-uusapan, ito ay independence, walang kompromiso. Try naman natin, lumaban ang hanggang dulo.  Walang ikokompromise, talagang totoong diwa ng kalayaan ang ipaglalaban,” giit nito.

Sa huli nanawagan si Prof. Francisco ng mas malalim na pag-unawa sa ating kasaysayan, hindi lamang bilang alaala ng nakaraan kundi bilang pundasyon ng ating pagiging Pilipino.

“So ‘yung Araw ng Kalayaan na ipinagdiwang ngayong June 12 ay mahalagang gunitain. Pero sabay ng pag-gugunita nito ay ang muling pagbabalik sa mga totoong salaysay na kasaysayan.”

“Kasi itong mga salaysay ng kasaysayan na ito ang maaring magbuo sa Pilipinas. ‘Yun nga lang ang nakakalungkot. Paano mo bubuin ang isang bansa kung mismo kasaysayan niya ay hindi ito nagtutulak ng pag-bubuo?” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble