MAS mataas na ngayon ang ibibigay na honoraria ng Commission on Elections (COMELEC) para sa mga guro na magsisilbing poll workers para sa May 9 elections kung ikukumpara noong 2019.
Sa Laging Handa Press Briefing ngayong araw, sinabi ng Department of Education (DepEd) na itinaas na ng COMELEC ang halaga ng matatanggap na allowance ng mga guro sa eleksyon.
Ang mga guro ang siyang nagsisilbing poll workers tuwing nagkakaroon ng halalan sa bansa.
Ayon kay DepEd Usec. Anna Sevilla, kung ikukumpara noong 2019 midterm elections ay mas mataas na ngayon ang kanilang honoraria batay sa inilabas na resolusyon ng poll body noong nakaraang taon.
Maliban dito, ang mga guro na mapipiling poll workers sa darating na halalan ay makatatanggap ng transportation allowance na nagkakahalaga ng P2, 000.
Makatatanggap din sila ng P 1,500 para sa kanilang communication allowance at P500 para sa Anti-COVID allowance at health insurance.
Ang increase sa honoraria para sa mga guro ay nakapaloob sa budget ng COMELEC para sa taong 2022.
Napag-alaman na ang isa pang apela ng mga guro ay pagkalooban sila ng 20 percent tax exemption para sa kanilang service pay sa halalan.
Pero ayon sa DepEd, dapat magkaroon ng rekomendasyon dito ang DOF lalo pa’t nasa batas na dapat buwisan ang mga ito, bagay na hindi naman daw naamyendahan ng Kongreso.
BASAHIN: Kahilingang taasan ang honoraria ng mga guro sa susunod na halalan, inaprubahan na