PINANGUNAHAN ni Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla ang huling pagdinig kaugnay sa kaniyang isinusulong na Charter change (Cha-cha).
Hybrid ang naganap na pangatlo at panghuling public hearing sa isang hotel sa Cebu na pinamunuan ni Sen. Padilla bilang chairman ng Constitutional Amendments and Revision of Codes ng Senado.
Kasama niya si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at si Cebu City Mayor Michael Rama na nakipagtalakayan sa mga representante ng business sector, government sector at iba pang mga stakeholders sa Visayas.
Tinalakay sa naturang public hearing ang dalawang panukala o Resolution of Both Houses No. 1 Constitutional assembly to propose amendments to certain economic provisions in the constitution ni Sen. Gatchalian at No. 3 – Amendments to economic provisions of the 1987 Constitution ni Sen. Padilla, at ang Phil Senate Resolution No. 6 – Review and study of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines ni Sen. Padilla.
Nanindigan si Padilla na tungkulin niyang isulong ito kahit na may nangungutya sa kaniya – dahil nais niyang bigyan ng maginhawang buhay ang mga Pilipino sa pamamagitan ng magandang ekonomiya.
“Bilang inyo pong inihalal ng taong bayan, kami po ay obligado na gawin ito kahit na marami po ang kumukutya sa amin, marami po ang gustong pumigil sa amin. Kailangan naming gawin ito para sa inyo,” ani Sen. Padilla.
Iginiit ni Padilla sa pagdinig na dapat amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon dahil sa kasalukuyan, ito ang isa sa pinaka-restrictive sa pagpasok ng Foreign Direct Investments (FDIS).
Dahil dito aniya, kulelat ang Pilipinas sa Asya.
Cebu City Mayor Rama, suportado ang pag-amyenda ng ‘economic provision’ ng Konstitusyon
Suportado naman Cebu City Mayor Michael Rama ang pag amyenda ng economic provision ng Saligang Batas.
“I wish to support the constitutional amendments…. It’s about time,” ayon kay Cebu City Mayor Rama.
Sen. Padilla, hinimok ang publiko na sumali sa isasagawang pagdinig kaugnay sa Con-con
Inaanyayahan din ni Padilla ang publiko ngayong Lunes, Marso 20, na sumali sa isasagawang hearing sa Kongreso patungkol sa Constitutional convention (Con-con).
Lalahok si Padilla sa pagdinig kasama ang miyembro ng Kamara para pag-usapan kung paano aamyendahan ang economic provisions sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-ass) o constitutional convention (Con-con).
Ipinasa ng Kamara ang resolusyon na amyendahan ang economic provisions sa pamamagitan ng Con-con.
Nguni’t iginiit ni Padilla na hindi siya papayag na makalusot ang ibang agenda sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution.
Kaniya ring iginiit na nais niyang gawin ang pag-amyenda sa pamamagitan ng Con-ass dahil menos gastos at oras ito.
“Hindi kami papayag na magkalokohan dito,” aniya matapos magpahayag ng pangamba si Marlene Bedia, executive director ng Mandaue Chamber of Commerce and Industry, matapos niyang sabihing dapat mag-ingat sa pag-amyenda ng Konstitusyon dahil “we might lose control of all the other agenda”.
Umaasa si Padilla na maka-file ng committee report sa lalong madaling panahon at idaan ito sa plebisito sa Oktubre, kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Bago pa man isinagawa ang public hearing, nagkaroon ng motorcade at courtesy call ang mga senador at mga kongresista sa opisina ni Gov. Garcia at Mayor Rama.