NASABAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA ) ang humigit-kumulang P1-M halaga ng iligal na droga sa Quezon City Central Post Office.
Nakumpiska ng PDEA ngayong araw ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gamot sa mga hindi pa naipapadalang parcel ng Central Post Office sa Quezon City.
Sa isinagawang drug interdiction operation ng PDEA sa Central Post Office, nadiskubre rito ang iba’t ibang klase ng mga ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Deputy Task Group Commander ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group Investigation Agent 3 Gerald Javier, nasa humigit-kumulang 1 milyon piso halaga ng mga mapanganib na mga droga.
“Ito pong mga gamot na ito is a dito nanggaling lumabas ng bansa at ni-return sa center, bali itong mga gamot na ito ay mga consider po siyang as dangerous drugs. Ito pong mga gamot na should have a proper prescription po by a licensed practitioner para makagamit po yung isang tao. But, again importation of this medicines are prohibited without a proper documents po,” pahayag ni Javier.
Ang naturang droga ay nakuha mula 15 liham na nasa PhilPost, kung saan dito isinilid ang mga droga na karamihan ay anti-anxiety, anti-seizures at anti-epilepsy.
Kabilang sa nakumpiska sa operasyon ang 729 tablets ng Valium, 305 tablets ng Zolpidem at 90 tablets ng Alprazolam.
Sinabi pa ni Javier, ang mga naturang droga ay agad dadalhin sa local Food and Drug Administration (FDA) upang maberipika kung ang mga ito ay lisensyado.
Sa ngayon ay inaalam pa ng PDEA kung saan nanggaling ang mga droga na isinilid sa mga liham.
Matatandaan, isa sa mga direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sugpuin ang iligal na droga sa bansa.
Paalala ng PDEA sa publiko na maging vigilant sa pag-export at import ng mga produkto sa bansa.
Sa oras na mahuli ang nasa likod ng pag-export ng mga iligal na droga, mahaharap ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.