NANGAKO ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na gagawin nila ang lahat ng pagsisikap para mabigyan ng hustisya ang anak ng OFW na ginahasa at pinatay.
Hindi makapaniwala ang overseas Filipino worker (OFW) sa karumal-dumal na sinapit ng kanyang anak na 15 taong gulang.
Kinilala ng OWWA ang biktima na si Marjorie Joy R. Infante 15 taong gulang, Grade 10 student.
Si Marjorie ang pinakabata sa 4 na magkakapatid.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), ang biktima ay pinatay at ginahasa noong Oktubre 28, 2022.
Ipinaabot ng SOCO sa pamilya na ang biktima ay ginahasa, binugbog at sinakal at iniwang patay sa kalsada.
Si Marjorie ay umalis sa kanilang bahay nang 6:30 pm para bumili ng pagkain sa nasabing petsa.
Pagsapit ng dakong 9:30 ng gabi ng araw ring iyon natagpuang patay at inabandona sa kalsada ng Sapang Balen ang biktima.
Nangyari ang insidente sa bata habang ang ina nito na si Margie Gamba Rivera ay nagtatrabaho bilang domestic helper sa Qatar.
Ang OFW na si Margie Gamba Rivera ay umalis patungong Doha noong Marso 12, 2022 upang magtrabaho sa Qatar bilang domestic worker.
Kahapon dumating ang nasabing OFW sa Clark International Airport.
Personal na sinalubong ng OWWA RWO 3 Regional Director Atty. Falconi V. Millar ang OFW kasama si PSD head Lito David sa paliparan
Nakausap na ni RD Millar sina Margie Rivera at Nok Manuel Infante.
Nangako siya na ang OWWA Region 3 sa ilalim ng tagubilin ni Admin Arnell Ignacio ay magpapaabot ng lahat ng posibleng tulong kabilang ang legal assistance, financial assistance at livelihood.
Nangako si OWWA administrator Arnell Ignacio sa OFW na gagawin nila ang lahat ng pagsisikap para mabigyan ng hustisya at makulong ang salarin.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan ang OWWA Region 3 sa local police para sa anumang update sa kasong rape-murder.