MAYROONG panibagong low-pressure area na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa kanilang 4:00 AM update nitong Oktubre 25, 2024, ito ay namataan 2,265 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Maliban pa rito, mayroon ding isa pang low-pressure area na nakita ang PAGASA, 2,330 kilometro silangan ng Northeast Mindanao.
Kung makakapasok na ito sa PAR, ay tatawagin itong Bagyong Leon.
Samantala, si Bagyong Kristine, bagama’t paalis na ng PAR ay posibleng mag-U-turn sa Lunes, Oktubre 28.
Ito’y dahil maaaring hilain pabalik si Bagyong Kristine ng low-pressure area sa Northeast Mindanao, na ngayon ay isa nang tropical depression.