NAGPAPASALAMAT ang mga local na opisyales ng Brgy. Bagacay, Pilar Bohol sa inisyatibo ni Pastor ACQ na nationwide tree planting bilang pagtugon sa problema sa ating kalikasan.
Dahil sa sunud-sunod na bagyo na nananalasa sa ating bansa, ay hindi natin maikakaila ang epekto ng pagbabago sa temperatura at panahon.
Isa sa mga kadahilanan nito ay ang pagnipis at pagkaubos ng mga puno sa ating mga kagubatan na siya sanang nakakatulong upang maiwasan ang mga pagbaha.
Ang Sonshine Philippines Movement (SPM) sa pangunguna ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay patuloy sa pagsusulong nitong ibalik ang dating ganda ng kapaligiran.
Ang pagtatanim ng mga kahoy at pag-aalaga nito ay isa lamang sa mga gawaing aktibidad na ginagawa taon-taon ng mga SPM volunteers.
Nitong Sabado, Nobyembre 16, 2024, isinagawa sa Brgy. Bagakay, Pilar Bohol ang sabayang nationwide tree planting activity na may temang “One Tree, One Nation” na linahukan ng mga iba’t ibang volunteers mula sa pribado at publikong sektor na pinangungunahan ng SPM.
Itinanim ang mahigit 100 fruit trees sa nasabing lugar, kaya naman nagagalak ang mga opisyal ng barangay dahil maliban sa malaking tulong ito sa pag-restore ng kanilang kagubatan na hinagupit ng Bagyong Odette noon 2021, makakatulong din ito upang madagdagan ang mga punong namumunga ng prutas.
Nagpapasalamat si Ginang Fe Escabusa na isang barangay kagawad, kay Pastor Apollo C. Quiboloy dahil sa inisyatibo nito upang malabanan ang climate change.
Nagagalak din sila dahil ang kanilang barangay ang napili sa tree planting activity at naglalayon na mas marami pang aktibidad ng SPM ang gagawin upang matulungan ang kalikasan.
Nagpapasalamat din ang AFP Carmen dahil nakasali sila sa isang makabuluhan na gawain para sa kalikasan at nanawagan din sila sa ibang mamamayan na makilahok sa mga ganitong gawain upang matulungan ang tuluyang pagkasira ng kalikasan.
Sa huli, namayani ang galak at tuwa ng bawat isang volunteer kahit na napakalayo ng lugar at mabato ang daan na kanilang tinatahak.
Ang pangangalaga sa ating kalikasan ay tungkulin at responsibilidad ng bawat isa. Kung ang lahat ay makilahok sa ganitong aktibidad, mapipigilan natin ang pagkasira ng kalikasan at buhay.