PANSAMANTALANG ipinagamit ng Philippine Port Authority (PPA) ang parking area ng PMO NCR North para maging tahanan ng mga Badjao na uuwi na sa kanilang probinsya matapos masira ang barkong sasakyan sana nila pauwi matapos ang Pasko at Bagong Taon sa Maynila.
Ayon sa PPA, 162 ang Badjao na naiulat ng PMO NCR North na may kasamang 20 menor de edad ang naghihintay ngayon ng kanilang masasakyang barko matapos makaranas ng technical problem ang 2GO.
Ayon kay PMO NCR North Port Manager Aurora Mendoza, taon-taon ay inaasahan na nila ang pag-uwi ng mga Badjao matapos ang holiday season at habang nasa loob sila ng pantalan ay inaasikaso ang kanilang security at safety.
Nakapagbigay na aniya ang 2GO ng foodpacks sa mga Badjao habang nagbigay naman ang PPA ng tubig, ipinagamit na rin ang palikuran at ang charging station para sa mga Badjao na nag-aantay ng barko.
Nabatid din sa PPA PMO NCR North na may nadagdag pang 206 na Badjao sa North Harbor.
Sa Lunes ang pagbiyahe ng mga Badjao pauwi sa kanilang mga lalawigan.