WALA ng makukuhang ibang trabaho kung titigil sa pamamasada ang ilang Jeepney drayber.
Tapos na ang franchise consolidation para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno nitong a-30 ng Abril.
Humigit-kumulang 78% ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa ang nakapasok na sa konsolidasyon para sa implementasyon ng naturang programa.
Pero, marami-rami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi sumali rito.
Katulad na lamang ni Kuya Michael na tuloy pa rin sa pamamasada kahit hindi nakapag-consolidate.
Ayon sa kanya, handa siyang makipag-patintero oras magka-hulihan.
‘‘Sa ngayon, ang hininga namin ay hanggang leeg nalang eh kasi talagang natatakot kami baka mamaya pasukin kami rito ng mga manghuhuli. Kaya, ‘yun lagi kaming alerto din kahit papaano,’’ ayon kay Kuya Michael, Member, TTP JODA – Pasig.
Una na ring sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi muna huhulihin ang mga tsuper na hindi nakapag-consolidate.
Ngunit, bibigyan lamang sila ng show cause order kung saan kailangan nilang maipaliwanang sa loob ng 2-3 linggo kung bakit ayaw nilang pumasok sa kooperatiba.
Pagkatapos ay depende pa rin ito kung magiging katanggap-tanggap ang kanilang dahilan pero oras na magpumilit sila sa pamamasada ay maaari na silang hulihin.
‘‘Parang patago-tago kami kapag ganon pero hanggat maaari ay baka hindi naman siguro. Siyempre mahirap sa patago-tago ka nga baka masiyempuhan ka nga magkano ‘yung violation namin nasa P50,000 tapos ma-impound pa ‘yung sasakyan kaya mahirap,’’ ayon pa kay Michael.
Punto ni Michael, wala silang kakainin kung hindi sila papasada.
Wala rin naman daw silang makukuhang ibang trabaho.
Sabi ng LTFRB, aalalayan pa rin naman nila ang mga tsuper na hindi nakapag-consolidate o hindi na makakabiyahe gamit ang kanilang mga dyip.
Maaari silang mag-apply ng passenger assistant sa iba’t ibang kooperatibang nakakuha ng prangkisa para hindi sila mawalan ng hanapbuhay.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay nakahandang tulungan ang mga ito.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, hinihintay lamang nila ngayon ang request para sa assistance na maaaring ibigay sa mga apektadong tsuper.
‘‘Sa ngayon, ay wala pa tayong natatanggap na impormasyon pero ofcourse kung mayroong lumapit ang humingi ng request ito naman ay agarang tutugunan ng DSWD subject to our assessment of our social workers. Kung sila ay nakita na mas kailangan nila ng pagkain we can provide naman food assistance, maaari naman pong cash assistance,’’ pahayag ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.
Para kay Kuya Jose na dekada na sa pamamasada ng dyip, hindi nila kailangan ng ayuda.
‘‘Hindi po namin kailangan ang ayuda, ang kailangan namin ay mayroon kaming pang hanapbuhay at mayroon kaming hanapbuhay ‘yun ang pinaka-importante. Hanggang kailan kami kayang suportahan ng gobyerno ang pera ng DSWD ay nanggagaling din sa atin ‘yan, puro tax natin ‘yan at diyan rin nanggagaling pa minsan ang korapsyon,’’ ayon pa kay Jose, Board Chairmain, TTP JODA-Pasig.
Mga tsuper kay PBBM: Pinapahirapan mo kami
Kaya naman panawagan ng ilang tsuper sa administrasyong Marcos, huwag naman daw sana silang pahirapan lalo’t binoto nila ito noong nakaraang eleksyon.
‘‘Ikaw Bongbong Marcos, kung ikaw ay hindi maka-anti mahirap hindi mo gagawin ‘yung mga ganitong programa mo hindi mo ipagpapatuloy ito. Naway magising ka Bongbong Marcos dahil sa gagawin mo ang dami mong pamilyang papatayin. Bongbong Marcos makinig ka, ang kapal ng mukha mo kami ang nagluklok sayo, bilang mahihirap na tao kami nagpaano sa iyo tapos gaganituhin mo kami. Asan na ‘yung mga pangako mo? Asan yung benteng pesos mong bigas, alin ‘yung 1/4? ‘Yung apat na piso mong pamasahe, alin ‘yung nagkulang na 0? Diba, asan ‘yung mga pangako mo, kapal naman ng mukha mo, ang kapal ng mukha mo, anti-mahirap ka, masyado mong dina-down ‘yung mga mahihirap sa Pilipinas, ginawa mong bobo ang mga tao sa Pilipinas mas kumportable ka sa mga mayayaman. Sa bawat tax na binabayaran namin ultimo sa gasolina sa inyo napupunta. Isa lang sasabihin namin sa inyo, kami magpapasahod sa inyo, kami na mga mahihirap, ang kapal ng mukha niyo,’’ aniya Rudy, Board Member, TTP JODA-Pasig.