HINDI maiwasan na maikumpara ng ilang magulang ang mga school supplies na natatanggap nila noon mula sa Makati at ngayon mula sa Taguig.
Iba-iba ang reaksiyon ng ilang magulang sa natanggap nilang school supplies mula sa Taguig.
May mga nagpapasalamat, mayroon namang nadismayang magulang sa natanggap nilang school supplies mula sa Taguig.
Tulad ni Aling Nelia na may apat na nag-aaral sa Pembo Elementary School na isa sa 14 na paaralan sa EMBO barangay na apektado ng Makati-Taguig dispute.
Aniya, siya ay nabigla at nadismaya dahil kulang umano ang ibinigay na school supplies ng Taguig.
Dahil dito aniya ay mapapagastos pa siya.
“Kulang talaga sir. Mamimili pa nga kami eh. Ito kasya ba ito sa isang. Itong notebook. Itong isang pad ng papel wala pa nga ito isang linggo, ubos na ito. Wala na. Mamimili pa kami,” ayon kay Nelia Cawaling, Magulang.
Para naman kay Jerico na tumanggap ng school supplies mula sa dalawang lungsod, nagpapasalamat sa Makati at Taguig.
Tanging hiling niya lamang ay magkasundo ang dalawang LGU dahil ang mga bata aniya ang naiipit sa gulo.
“Isettle na lang nila para hindi na maguluhan ‘yung mga bata lalo na ‘yung mga parents lalo na ‘yung mga bata siyempre. Sila ‘yung naiipit dito eh,” ayon naman kay Jerico Madriñan, Magulang.
Makati, sinimulan na ang distribusyon ng school supplies sa mga paaralang sakop ng EMBO barangays
Nitong Miyerkules, kasabay ng pamamahagi ng Taguig ng mga school supplies ang distribution din ng Makati City government sa 14 na paaralan sa EMBO barangays.
Ito ay matapos tumanggap ng go signal ang Makati LGU mula sa Department of Education na maibigay ang mga kagamitan sa mga estudyante.
Pinangunahan ito ni Mayor Abigail Binay.
“Hindi kulang. kumpleto. Pati medyas, kumpleto. Wala kaming dapat na bilhin,” saad ni Pia Echave, Magulang.
“Sana ganito para wala nang babayaran. Kumpleto na. Wala na ibang bibilhin kasi lahat nandiyan na eh,” wika ng isang magulang.
Taguig, sinubukan umanong pigilan ang pamamahagi ng school supplies ng Makati
Ayon pa kay Binay sinubukan pa umanong pigilan ng Taguig ang nasabing school supplies distribution.
“The Taguig try to stop the distribution today by asking for a written authority. Kasi hindi nila alam na nakakuha kami ng written authority, hinanapan kami ng written authority. I just like to put on record as far as Makati is concern, ‘nung sila po ay namigay ng school supplies nila hindi po kami humingi ng kopya, hindi kami humingi ng written authority,” pahayag ni Mayor Abigail Binay, Makati City.
Benepisyong tinatanggap mga taga EMBO barangay mula sa MAKATI, ihihinto na—Mayor Binay
Samantala, tuluyan namang mawawala ayon kay Binay ang mga benepisyong natatanggap ng mga residente ng EMBO Barangay mula sa Makati kung maililipat na sila sa Taguig.
Paliwanag ni Binay, isa kasi sa requirement para maka-avail ng benepisyo tulad ng libreng health services ay kinakailangang maging residente at botante ng Makati.
“Requirement kasi sa amin para doon sa yellow card, para doon sa libreng health services, libreng gamot, libreng dialysis, libreng hospital pati yung blue card namin para sa mga senior citizens. Ang isa kasing requirement doon ay dapat residente at botante ng lungsod. Kung tatanggalin na sila sa lungsod ng Makati, then I will have to stop giving them benefits dahil hindi na po sila qualified under the program,” ani Binay.