Ilang OFW may pagdududa sa resulta ng 2025 midterm elections

Ilang OFW may pagdududa sa resulta ng 2025 midterm elections

MATINDI ang naging reaksiyon ng mga OFWs matapos lumabas ang resulta ng 2025 midterm elections.

Sa kabila kasi ng pag-asa nilang magdadala ng pagbabago ang kanilang boto, hindi nila maiwasang magduda sa naging takbo ng halalan.

Isa sa mga nagpahayag ng pangamba ay si Merlyn, isang OFW sa Kuwait. Ayon sa kaniya, tila hindi tugma ang resulta ng eleksiyon sa inaasahan ng marami.

Aniya, DuterTEN ng PDP-Laban ang kaniyang ibinoto, dala ng suporta ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Duterte ako.”

“May mga kamag-anak ako na hindi daw, iba daw ang lumalabas.”

“Kaya nga eh! Nakapagtataka, noh? Kasi bakit ganun ang nangyari? Ayun, sa Diyos na lang natin,” ayon kay Merlyn, OFW – Kuwait.

Hindi nag-iisa si Merlyn sa kaniyang pangamba. Sa Sydney, Australia, nagpahayag din ng pagkadismaya si Marissa na isa ring OFW.

Para sa kaniya, laganap ang mga insidente ng vote buying sa kanilang probinsiya sa Pangasinan, dahilan upang pagdudahan niya ang proseso ng eleksiyon.

“Siyempre marami talaga, lalo na sa probinsya ko, Pangasinan. Talagang maraming nangyari na hindi nakakatuwa. Pero what can we do? Kasi lahat naman, namigay ng pera. So, we don’t have a proof kasi hindi naman kami nag-video, pero makikita mo naman talaga,” wika ni Marissa, OFW – Sydney.

Dagdag pa ni Marissa, hindi sapat ang mga electronic machines para tiyakin ang integridad ng boto, lalo pa’t laganap ang umano’y pamimili ng boto sa ilang lugar.

Ganito rin ang sentimyento ni Mydei mula sa Masbate. Ayon sa kaniya, dama pa rin ang kultura ng vote buying sa kanilang bayan, at mas lumala pa ito ngayong eleksiyon.

“Aware po ako sa nangyayaring politics sa amin. Nakikita ko po na meron pa rin pong vote buying.”

“Machine po kasi ‘yun eh, so possible puwede pa rin po siya madaya, kasi man-made pa rin. Puwede siya ma-alter ang result,” ani Mydei, OFW – Masbate.

Naniniwala si Mydei na posibleng magkaroon ng manipulasyon sa resulta ng makina dahil ito ay teknolohiyang gawa ng tao at maaaring ma-hack o ma-programa para paboran ang ilang kandidato.

Hindi man sila direktang nakasaksi ng bilangan, dama pa rin ng mga OFW ang epekto ng mga ulat ng dayaan at pandaraya sa eleksyon.

Para sa kanila, ang bawat boto ay simbolo ng pag-asa para sa isang mas maayos at mas maunlad na Pilipinas, kaya’t ang anumang banta sa integridad nito ay direktang banta rin sa kanilang pananampalataya sa demokratikong proseso.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble